Tagalog News: LGU-Dinagat Islands namahagi ng pagkain sa frontliners

LUNGSOD NG SURIGAO, Surigao del Norte, Hunyo 1 (PIA) -- Para maibsan ang pangamba at pagod ng mga frontliners at masuportahan ang persons under mandatory quarantine na nasa municipal care and containment center sa Cagdianao, Dinagat Islands, namahagi sa kanila ng pagkain ang lokal na pamahalaan ng probinsya ng Dinagat Islands.

Mismong si Gobernador Arlene "Kaka" Bag-ao ang namili ng sangkap ng putaheng lulutuin at personal na tumulong sa paghahanda at pagluluto sa sinigang na sabaw, fried chicken, at dessert.

Kasama si board member Noli Albis, pinuntahan at ipinamahagi ni Gob. Bag-ao sa mga frontliner ng Rural Health Unit, Philippine National police at Bureau of Fire Prrotection na nakatalaga sa iba’t ibang barangay health centers at checkpoints. Inalam din ng gobernador ang kalagayan ng mga frontliner.

Hinikayat ni Gob. Bag-ao ang lahat ng mga residente na magtutulungan at manatili lamang sa kanilang mga tahanan at sumunod sa mga guidelines na pinaiiral sa buong probinsya upang mailigtas ang kanilang pamilya sa panganib na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nagpapasalamat din si Gob. Bag-ao sa lahat ng ahensya ng pamahalaan sa kanilang serbisyo at sa mga pribadong indibidwal at iba’t ibang organisasyon na nagpaabot din ng tulong at suporta sa pamamagitan ng kanilang mga donasyong pinansyal, pagkain at mga medikal na kagamitan.

Nagpapasalamat naman si Cagdianao municipal mayor Adolfo Longos sa malasakit at tulong na ipinaabot ng provincial government ng Dinagat Islands sa mga frontliner na nagserbisyo para panatilihing ligtas ang bawat residente laban sa COVID-19.

Ipinaabot rin ng mga frontliner ang kanilang saya at pasasalamat sa kanilang natanggap na pagkain.

Namahagi naman ng naturang pagkain si Gob. Bag-ao sa munisipto ng Tubajon at Loreto.

Samantala, ang probinsya ng Dinagat Islands ay nakahanda naman para tumugon sa problemang dala ng pandemya. (SDR/VLG/PIA-Surigao del Norte)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments