Angkas sa ilalim ng MGCQ bawal pa rin ayon kay Governor Riano

Bagama't pinapayagan na ang lahat na lumabas sa kanilang mga bahay sa ilalim ng modified general community quarantine na magsisimula bukas, June 1, ipinagbabawal parin sa probinsya ang pag-angkas o pag-backride sa mga motorsiklo. (Larawan mula sa Odiongan Public Information Offce)

ODIONGAN, Romblon, Hunyo 1 (PIA) -- Bagama't pinapayagan na ang lahat na lumabas sa kanilang mga bahay sa ilalim ng modified general community quarantine na magsisimula ngayong araw, June 1, ipinagbabawal pa rin sa probinsya ang pag-angkas o pag-backride sa mga motorsiklo.

Ito ay batay sa guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ng Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (PIATF-MEID).

Sa panayam ng Philippine Information Agency - Romblon kay Governor Jose Riano nitong Sabado, May 30, sinabi ni Riano na kailangang sundin ng probinsya ang inilabas na guidelines ng IATF-EID kaya kung sinabi nila bawal ang angkas ay ipagbabawal rin sa Romblon.

Makikipag-ugnayan naman umano siya Regional Task Force upang hilingin na payagan ito sa Romblon dahil alam umano nito ang sitwasyon sa ilang mga bayan.

"I-address natin yan kay Dir. [Wilhelm] Suyko [ng DILG-Mimaropa] para tulungan tayo na payagan tayo, dahil may mga bayan tayo, mga island towns natin, ay lahat yan ay motorsiklo ang transporatation jan. Isa yan sa ipapakiusap natin, ipapaliwanag natin 'yung sitwasyon," pahayag ni Governor Riano.

"Ipapaliwanag natin yan sa kanila na wala talaga tayong option. Kailngan natin yan kasi wala talaga silang masasakyan lalo na kung immediate family naman, then kung may pasok na, 'yun yung inihahatid sa kanila," dagdag nito.

Samantala, sa bayan ng Odiongan, tatanggalin na ng lokal na pamahalaan ng Odiongan simula June 1 ang number coding ng kanilang mga tricycle upang may masakyan na lahat ng lalabas ng kanilang mga bahay.

Sa mensahe ni Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala, sinabi nito na bagama't tatanggalin na ang coding, mananatili paring isa ang pasahero ng mga tricycle para magkaroon umano ng physical distancing sa nasabing sasakyan. (PJF/PIA-Mimaropa)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments