LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 20 (PIA) -- Pinayagan na ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga tricycle at pedicab drivers sa lungsod na muling makabiyahe sa kabila ng ipinatutupad na modified enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Ayon kay Pasay Tricycle and Pedicab Franchising and Regulatory Office (TPFRO) Head Ace Sevilla, alinsunod sa direktiba ni Calixto-Rubiano, mahigpit na ipinatutupad ng kaniyang mga tauhan ang mga panuntunan na itinakda nang payagan ng pamahalaang lungsod ang operasyon ng mga tricycle at pedicab sa Pasay.
“Pinayagan naman ng Pasay LGU ang mga driver at operator ng mga tricycles at pedicabs na muling makapaghanapbuhay at kumita kahit umiiral ang MECQ pero dapat makipagtulungan ang mga ito sa pagkontrol sa pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagtupad sa guidelines,” pahayag ni Sevilla.
Nakasaad sa guidelines ang pagsusuot ng face masks (driver at pasahero); paglalagay ng alcohol sa sasakyan; pagkakabit ng plastic shield sa pagitan ng driver at pasahero; pagsusuot ng gloves ng driver; at regular disinfecting ng yunit.
Dapat din itong may prangkisa at “body markings” at susunod sa nakatakdang “color coding” upang mabigyan ng pantay-pantay na pagkakataon ang lahat na makapamasada at kumita, at upang malimita rin ang volume ng mga sasakyan sa kalsada. Isang pasahero lang ang pwedeng isakay kada biyahe.
Hindi naman pinapayagang mamasada o kumuha ng pasahero ang mga e-trikes at e-bikes.(Pasay PIO/PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments