Sabong, ipinagbabawal pa rin sa GCQ at MGCQ areas - DILG

PASIG CITY, June 6 (PIA) -- Muling nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipinagbabawal pa rin ang operasyon ng sabong sa bansa.

Ito ay matapos makatanggap ng ilang ulat ang tanggapan ng DILG na may ilang mga local government units (LGUs) ang nagpalabas ng Executive Order na hinahayaan na ang pagbubukas ng mga sabong. 

“Nililiwanag po at inuulit ng DILG na bawal po ang sabong hanggang ngayon at wala pa pong IATF Resolution hanggang sa oras na ito,” ayon kay DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya sa ginanap na Laging Handa Public Briefing sa PTV nitong Biyernes.

Ayon kay Malaya, kinakailangang maghintay ng kaukulang direktiba ang mga local government units mula sa IATF.

“Our advice to the various local government units, mag-antay po tayo ng kaukulang direktiba mula sa IATF bago po natin payagan ang operasyon ng mga sabungan o cockpit arenas, whether in a GCQ area or an MGCQ area.”

Ipinaliwanag ng opisyal na walang resolusyon ang nagpapayag sa operasyon ng mga sabungan kahit sa MGCQ area.

“Kung babasahin po natin muli ang IATF Resolutions kahit po yung Omnibus Guidelines, wala po doong specific referral to a cockpit arena. Wala po ni isang resolution ang nagpapayag sa operasyon ng mga cockpit arena, kahit po sa MGCQ, kahit 50 percent capacity,” paliwanag ni Malaya. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments