PAGBILAO, Quezon, Hunyo 29- (PIA)- Idinaos sa Barangay Binahaan sa bayang ito kamakailan ang groundbreaking ceremony ng itatayong virgin coconut oil processing plant.
Ayon kay Panlalawigang agrikultor Roberto Gajo, ang proyektong ito ay pinagplanuhan pa noong taong 2014 at ngayong taong masisimulan na ang pagpapagawa na siyang magbubukas ng oportunidad sa mga manggagawa sa lalawigan ng Quezon.
Sinabi naman ni Quezon Gov. Danilo Suarez na nagpahayag ng suporta sa programang ito ng panlalawigang agrikultor na malaki ang potensiyal ng mga produktong gawa sa Quezon upang mas makilala pa sa bansa.
"Nakipag-ugnayan na rin ako sa SM upang mapagbigyan na magkaroon ng pwesto na mapaglalagyan ng mga produktong mula sa probinsiya ng Quezon", sabi pa ng gobernador
Ayon naman kay Pagbilao Mayor Shierre Ann Portes Palicpic, ang pagtatayo ng virgin coconut oil processing facility ay karangalan sa bayan habang pinag-aaralan pa ng mga awtoridad ang virgin coconut oil bilang panlunas sa sakit na Covid-19.
Bukod kina Gov. Suarez at Gajo, dumalo din sa okasyon ang mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Philipppine Coconut Authority (PCA), Quezon Federation of Union Cooperatives (QFUC) at ilang mga bokal sa lalawigan ng Quezon. (Ruel Orinday- PIA-Quezon/ with reports from Quezon PIO)
,
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments