Tagalog News: TESDA 4Ts program, tutulong sa mga jobseekers na apektado ng pandemya

Bagong gusali ng TESDA MIMAROPA Regional Office sa Lungsod ng Calapan, nasa pinal na yugto na ang konstruksyon.
(Larawan mula sa TESDA MIMAROPA)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hun. 29 (PIA) -- Inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) - Mimaropa Regional Office ang bagong programang “TulongTeknikal sa pagTayo ng Tahanan  o 4Ts”.

Ang programa ay tugon sa epekto ng pandemya sa mamamayan ng rehiyon, ang 4Ts ay may layuning matulungan ang mga jobseekers na naapektuhan ng COVID-19.

Sa nasabing programa, magbibigay ang TESDA Mimaropa ng libreng pagsasanay sa kursong Tile Setting NC II sa 100 CalapeƱos. Sa panahon ng pagsasanay ay may karampatang allowance ang mga trainees at assessment matapos ang buong kurso at bibigyan ng oportunidad na kumita sa pamamagitan ng pagsasanay ng trabaho o maging self-employed.

Prayoridad bilang benepisyaryo ng 4Ts ang mga nakatira sa mga barangay sa Lungsod ng Calapan na lubhang naapektuhan ng pandemya ang hanapbuhay tulad ng mga construction workers, nagbabalik-OFWs at mga indibidwal sa ilalim ng Balik Probinsya Program. Ang pangangalap ng mga benepisyaryo ng naturang programa ay ibabatay sa pamantayang itinakda ng TESDA Mimaropa sa pakikipagtulungan sa mga konsernadong Brangay Chairman.

Ang implementasyon ng 4Ts ay isasagawa sa Hunyo 1-30, 2020.

Samantala, nasa pinal na yugto na rin ang konstruksyon ng bagong gusali ng (TESDA) Mimaropa Regional Office sa Lungsod ng Calapan.

Ang pasilidad ay magiging tahanan rin ng TESDA Oriental Mindoro Provincial Office at lalong-higit na pakikinabangan ang bagong pasilidad sa paglulunsad  ng  mga  pinakabagong programa ng TESDA Mimaropa at  Oriental Mindoro.  (LC/PIAMimaropa/Calapan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments