TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Aug. 12 (PIA) - - Inanunsiyo ng Kagawaran ng Kalusugan sa Lambak Cagayan na pansamanatalang hindi ito tatanggap ng mga kliyente na nagsimula kahapon.
Ayon sa pahayag ni Regional Director Rio L. Magpantay magsasagawa sila ng malawakang disinfection sa lahat ng gusali sa kanilang regional office matapos may mga empleyado silang nagpositibo sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Bukod rito, pagtutuunan din ng pansin ng mga osisyal ang pagbalangkas ng mga panuntunan at mga hakbang sa pagpigil o pag-iwas sa banta ng pagkalat ng virus sa kanilang opisina.
"Ito ay isasagawa bilang pagiingat at pamantayan sa pag-iwas ng karagdagang pakikisalamuha sa mga posibleng sasadya sa opisina para sa kanilang mga opisyal o personal na lakad," pahayag ni Magpantay.
Aniya, ipapabatid muli sa publiko kung kailan muling magbubukas ang nasabing tanggapan para sa mga kliyente nito.
Gayonman, nilinaw ni Magpantay na tuloy pa rin ang tanggapan sa kanilang mga trabaho lalo na ang mga may kaugnayan sa COVID-19 bilang siyang taga-pamuno sa health cluster ng Regional Task Force.
Ang karamihan sa mga empleyado rin ng nasabing tanggapan ay magtatatrabaho parin sa kanilang mga tahanan at ang iba ay papasok parin sa kanilang mga tanggapan lalo na ang may mga mahahalagang katungkulan sa operasyon ng kagawaran na hindi maaring gawin sa work-from-home scheme. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments