DSWD, tiniyak na makatatanggap ng ayuda mula sa SAP ang mga kwalipikadong PUV, TNVS drivers

LUNGSOD CALOOCAN, Agosto 8, (PIA) - - Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mabibigyang ayuda ang mga kwalipikadong  public utility vehicle (PUV) drivers at Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na hindi pa nakatatanggap ng ayudang pinansyal mula sa Social Amelioration Program (SAP).

Tiniyak ito ng Kagawaran matapos ang panawagan ng mga drayber na mabigyan din ang mga miyembro ng hanay nila na hindi nakatanggap ng ayuda sa unang bugso ng SAP.

Ayon sa DSWD, nagbigay na sila ng listahan ng mga pangalan ng mga benipisyadong drayber sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon pa sa Kagawaran, dumaan sa balidasyon at “name-matching” ang proseso upang matiyak na hindi sila mabibigyan ng dobleng ayuda.

Ang proseso ay sumasala sa listahan ng mga pangalan ng mga drayber na kwalipikadong mabigyan.

Matapos ang pagsala sa mga pangalan,  ibinibigay ito sa mga kaukulang DSWD Field Offices  para maidagdag sa listahan ng waitlisted na benipisyado ng  ayudang SAP.

Ang listahan nay isinusumite sa Land Bank of the Philippines (LBP) at sa mga Financial Service Provider (FSPs) para ditto idaan o maiparating ang nararapat na ayuda sa benipisyado.

Ayon sa DSWD, sa kasalukuyan, ang LBP sa Metro Manila ay mayroon nang hawak na subsidiyang nagkakahalaga ng P323,344,000 para sa 40,418 drayber ng TNVS at PUVs.

Samantala, abot naman sa 24,067 ang mga benipisyadong drayber sa National Capital Region ang nakatanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P192,536,000.

Abot din sa 21,610 na motorcycle taxi drivers ang nakatanggap ng kabuuang halagang P172,880,000 at 36,104 PUV drivers na nakatanggapdin ng kabuuang halagang P288,832,000 sa pamamagitan ng GCash.

Karagdagan nito, ay abot sa 88,808 non-LTFRB certified drivers sa  NCR ang nabigyan din ng ayudang nagkakahalaga ng P710,464,000 sa pamamagitan  ng  GCash transfer.

Maliban sa NCR, mayroon din ang abot sa 1,088 waitlisted na mga drayber sa Rehiyon V; 16,908 sa Rehiyon VI; 11,017  sa Region VII; 12,459 sa Region XI; at 5,400 sa Cordillera Administrative Region ang nakatanggap ng ayudang pinansyal mula sa programang SAP. (DSWD/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments