May 100 kababaihang parent leader ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) sa Lungsod Mandaluyong ang nagpamalas ng tapang at pagkakaisa upang makatulong sa kanilang komunidad sa gitna ng panganib dulot ng pandemyang bunsod ng coronavirus disease.
Sama- sama silang kumilos upang maghatid serbisyong may puso at malasakit upang matulungan ang mga kapwa Mandaleñong nasa laylayan ng lipunan.
Sa mga pampublikong Gawain, naging katuwang sila ng lokal na pamahalaan sa isinagawang malawakang balidasyon upang masegurong ang makatatanggap ng Social Amelioration Program (SAP) na ayudang pinansiyal ay karapatdapat o mga pamilyang tunay na mahihirap at lubhang naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Dahil sa kanilang pagtulong, naging mabilis at maayos ang pagbibigay ng ayuda sa mga mamamayan ng Mandaluyong.
Sa mga unang bahagi ng lockdown, naging katuwang din ng Lungsod Mandaluyong ang mga parent leader sa pag-empake at pamimigay ng relief goods, sa paglilinis ng kapaligiran at sa iba pang gawaing komunidad.
Hindi bago sa mga parent leader ang pagtulong sa komunidad dahil bahagi ito ng kanilang tungkulin na pangunahan ang kapwa nilang mga benipisyado ng Pantawid Pamilya na makabangon sa kanilang pagkalugmok sa kahirapan.
Batid ng lahat sa lungsod ang kanilang walang pangimi at agarang pagtugon sa tawag ng nangangailangang komunidad lalo na sa panahon ng krisis.
Maasahan ang kanilang puwersa sa tuwing magkakaroon ng mga hindi inaasahang kalamidad sa siyudad gaya na lamang ng sunog at baha.
Ngunit iba ang panahon ng COVID-19 na pandemya, matindi ang banta ng nakahahawang sakit na sa maling pagkilos ay buhay nila o miyembro ng kanilang pamilya ang manganganib.
Sa gitna ng dinaranas na pandemya ay nag-uumapaw pa rin ang kanilang pagnanais na makatulong tungo sa magandang pagbabago ng lipunang ngayon ay nalugmok ng pandemya.
Sa dinaranas na pandemya, sinubok ang katatagan ng kanilang kalooban, paniniwala at dedikasyon sa paglilingkod. Dito nila naranasan na mabatikos, malait at awayin ng mga taong kanila mismong tinutulungan. Ngunit hindi ito naging hadlang upang magampanan nila ang kanilang mga niyakap na tungkulin. Pinairal nila ang pagpapakumbaba at pagkakaroon ng mahabang pasensya dahil ayon sa kanila ay ramdam nila ang dinaranas ng kanilang mga kapuwa kapos sa buhay.
Tunay na nakakamangha at hindi matutumbasan ng kahit na anuman ang sakripisyong ipinamalas nitong mga parent leader ng Lungsod Mandaluyon. Hindi nila inalintana ang pangambang dulot ng pandemya sa kanilang kalusugan at ang mga negatibong kritisismong kanilang natatanggap mula sa mga taong kanila mismong pinaglilingkuran.
Anila,“driven by passion”, ang prinsipyong patuloy na mangingibabaw sa kanilang puso at isipan upang patuloy silang makapagsilbi sa bayan.
Patuloy din nilang pinanghahawakan ang layuning gumawa ng marami pang kabutihan para sa kanilang kapuwa at sa bayan. Mithiin nilang mamayani ang diwa ng pagmamalasakitan sa bawat isa na siyang magiging daan sa mabilis at sama-samang pagkilos tungo sa paghihilom ng ating bayan mula sa pangkalusugang krisis dulot ng pandemyang COVID-19.
Tunay na nagagalak at ipinagmamalaki ng Lungsod Mandaluyong at ng Depaprtment of Social Welfare and Development ang mga katulad nilang miyembro ng Programa na responsableng ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Sila ang nagsisilbing daluyan ng positibong pagbabago at inspirasyon upang sama-sama tayong makabangon tungo sa maunlad, masagana at mapayapang pamayanan. (lPIA-NCR).
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments