LGUs inatasang magplano na para sa agarang pagbangon sa pandemya

LUNGSOD CALOOCAN, Agosto. 19 (PIA) -- Hinihikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) na simulan na ang pagpaplano at paglalaan ng pondo para sa local recovery at rehabilitasyon, bagama’t hindi pa tapos ang pandemya ng COVID-19, upang mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya mula sa nakamamatay na sakit.

Inihayag ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan E. Malaya na ang DILG, sa tulong ng World Bank, ay nakabuo ng “Ready to Recover (We Rise as One) COVID-19 Local Recovery Planning Guide” upang tulungan ang mga LGU na makabawi at maghanda sa pagtatapos ng kasalukuyang krisis pangkalusugan.

“Dapat makabawi na tayo ngayon kahit ‘di pa tapos ang COVID-19 crisis kasi mas lalala ang epekto nito sa ekonomiya at kabuhayan ng ating mga kababayan,” ani Malaya.

"Nakikipagtulungan ang DILG sa ibang mga ahensya ng pamahalaan sa Inter-Agency Task Force (IATF) para maalalayan ang mga LGU sa paghahanda ng kanilang mga stratehiya at programa. Ang layunin ay 'build back better,'” sinabi niya sa isang webinar ng mga local chief executives (LCEs).

Ayon sa tagapagsalita ng DILG, marami sa mga bahagi ng bansa ngayon ay low-risk, kaya malaking bahagi ng bansa ang maaari nang magsimula ng kanilang pagbangon sa local level upang maprotektahan ang mga hanapbuhay at mapasigla ang ekonomiya.

“Kailangang paigtingin ng pambansa at lokal na pamahalaan ang consumption at investment sa pamamagitan ng government spending at mga polisiyang tutulong sa paglago at pagbawi sa lokal na pangangalakal,” ani Malaya, na chairman ng STG Governance of Task Group Recovery ng NTF COVID-19.

“Padadaliin ng Local Recovery and Planning Guide ang pagpaplano sa pagbawi at rehabilitasyon upang mabigyan ang mga LGU ng kalayaan sa pagpili ng solusyon. Mayroon itong sample framework, template at mga programs, projects and activities (PPA). Gagabayan nito ang mga LGU sa koordinasyon ng mga gagawin ng pambansa, pang-rehiyon at lokal na pamahalaan, pati ang mga papel, responsibilidad at mga institutional structures,” dagdag niya.

Hindi kailangang lumikha ng bagong grupo upang gumawa ng pagpaplano at pagba-budget, sabi ni Malaya. Ito ay magagawa sa pagbubuo ng economic cluster sa loob ng Local COVID-19 Task Force na pinamumunuan ng mayor o governor.

“Ang institutional set-up sa pagbangon ay siya ring set-up para sa Local COVID-19 Task Force. Habang tumutugon ito sa COVID-19, dapat inuumpisahan na ang pagsasaayos sa mga napinsala nito. Matitiyak nito na ang recovery planning ay gagawin sa konteksto ng contact tracing, mga patakaran ng quarantine at ng new normal. Maaari naman kayong magdagdag ng mga kasapi kung ibig ninyo,” payo niya.

Pagpopondo ng COVID-19 Local Recovery

Maaaring pumili ang mga LGU o implementing agency ng pagkukunan ng pondo sa mga halimbawang nilista ng DILG. Kabilang sa mga ito ang mga programa ng pamahalaang pambansa at mga financial assistance programs ng ilang government financial institutions (GFI) o government-owned and -controlled corporations (GOCC).

Ang mga maaaring pagmulan ng pondo para sa pagbangon ay Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF), National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), at ang Quick Response Fund ng ilang national government implementing agencies tulad ng Department of Agriculture, Department of Education, at Department of Health.

Ang iba pang mapagkukunan ng pondo ay ang Local Government Support Fund – Financial Assistance to LGUs (LGSF – FA), LGSF –Assistance to Municipalities, Seal of Good Local Governance (SGLG) Incentive Fund, Kapit Bisig Laban sa Kahirapan- Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services – National Community-Driven Development Program (KALAHI-CIDSS NCDDP), Regular Agency Budget, and the 20% Development Fund (DF).

“Hindi kayo basta iiwan na lang ng nasyunal na gobyerno. Babantayan namin ang inyong mga lokal na programa at kikilatisin namin ang inyong pagsulong upang matiyak na kayo ay sumusunod sa plano at makamit ang inyong mga layunin,” pagliliwanag ni Malaya. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments