LUNGSOD NG MALOLOS, Agosto 16 (PIA) -- Makikinabang sa Bayanihan to Recover as One bill, na kilala bilang Bayanihan 2, ang mga negosyong higit na naapektuhan ng ipinairal na community quarantine mula noong Marso.
Iyan ang ibinalita ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez sa naging pagbisita sa Bulacan kasama ang iba pang kalihim na bahagi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Madadagdagan pa aniya ang inisyal na isang bilyong piso na inilaan para sa buong sistema ng COVID-19 Assistance to Restart Enterprises or CARES kung saan sa Bulacan, umaabot na sa anim na milyong piso ang halaga ng naipapahiram na puhunan upang makapagsimula muli ang unang 33 negosyong benepisyaryo.
Binigyang diin ni Lopez na nasa limang bilyong piso ang target ng DTI na maidagdag na sa ipinapahiram ng Small Business o SB Corporation oupang mas maraming negosyo partikular na ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs ang matulungang makabangon.
Sa pamamagitan ng programang CARES, makakahiram ang mga MSMEs na may ari-ariang nagkakahalaga ng 3 milyong piso ng mula sa halagang 10 hanggang 200 libong piso habang ang may negosyong may halagang 15 milyong piso ay pwedeng humiram ng hanggang 500 libong piso.
Wala itong interes para sa mga 17 buwang pababa na loan terms habang may anim na porsyento na service fee para sa mga 18 buwan na loan terms at walong porsyento naman sa 30 buwan na loan terms.
Ipinaliwanag pa ni Lopez na bukod sa karagdagang pondo para sa SB Corporation, nakipagkasundo ang DTI sa Land Bank of the Philippines o LBP at Development Bank of the Philippines o DBP kaugnay ng mas pinalawak na pag-agapay sa mga naapektuhang MSMEs. Dahil dito, may partikular na probisyon aniya ang Bayanihan 2.
Base sa parehong bersyon ng Senado at Kamara, may halagang 50 bilyong piso ang isinama sa mga probisyon ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 2, para sa karagdagang kapital ng mga government financial institutions na nagpapahiram ng puhunan sa mga MSMEs.
Nakapaloob dito ang 30 bilyong piso ara sa LBP, 15 bilyong piso para sa DBP at 5 bilyong piso para sa Philippine Guarantee Corporation.
Iba pa rito ang 20 bilyong piso para sa mga sabsidiya at pautang sa ilalim ng mga programa ng Agricultural Credit Policy Council ng Department of Agriculture para naman sa mga agri-entrepreneur.
Samantala, ibinalita rin ng kalihim na may inilaan din sa Bayanihan 2 na 10 bilyong piso para sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority para tulungan ang pagbangon ng mga nasa industriya ng turismo partikular na sa probisyon ng mga kailangang imprastraktura. (CLJD/SFV-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments