Tagalog News: Mga konkretong aksiyon kontra COVID-19, inilatag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna

Nagkaroon ng coordination meeting ang mga miyembro ng Laguna Task Force, Regional Task Force, at National Task Force Against COVID-19 noong Agosto 5, 2020 sa Hotel Marciano, Barangay Real, Calamba City. Dumalo sina NTF Against COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez, Jr; Chairperson Sec. Delfin Lorenzana; Vice Chairperson Sec. Eduardo Ano; IATF Chairperson Sec. Francisco Duque III; at President & CEO, BCDA Sec. Vivencio Dizon. (Larawan: Gov. Ramil Hernandez FB Page/Caption: CPGonzaga, PIA-4A)

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Agosto 7 (PIA) --Inilatag ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna ang mga konkretong askyon na ipatutupad nito upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan lalong-lalo na sa mga siyudad na kinatatayuan ng mga industrial at technoparks na may mataataas na kasong naiulat.

Sinabi ni Laguna Gov. Ramil L. Hernandez sa kanyang FB post ngayong umaga na bunga ng pagpupulong na pinangunahan niya kasama ang National, Regional, at Laguna Task Force Against COVID-19 noong Miyerkules, ay nakapalatag ng mga konkretong aksyon ang pamahalaang panlalawigan na ipatutupad para sa patuloy na paglaban kontra COVID-19.

Ayon pa sa post ng Gobernador, ang mga hakbang na nailatag na gagawin sa lalong madaling panahon ay ang mga sumusunod: 

Pagtutuunan ng nararapat na pansin at bantayan ang maigting na pagsunod ng mga industrial companies at technoparks sa mga health protocols para sa kapakanan ng kanilang mga empleyado;

Mapagsama ang mga sektor ng lokal na pamahalaan at mga negosyo upang matukoy at ipatupad ang nararapat na solusyon na makakapigil sa pagtaas ng bilang ng active cases sa lalawigan;

Planong pagpapatayo ng isolation facility sa loob ng Laguna Technopark Association Inc. (LTAI);

Pagsasaayos ng 6-storey Regional Government Center bilagn quarantine facility para sa lalawigan;

Pangungunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ang pagpupulong at koordinasyon sa LTAI kung saan magkakaroon ng paglalatag ng mga plano para sa mga industriyang nasasakupan;

Ang mga makukuhang datos mula sa koordinasyon ng mga lungsod at bayan ay pamamahalaan ng Provincial Health Office; at

Ang mga kompanya na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ay nararapat pa rin na magkaroon ng koordinasyon at sumunod sa Provincial at City Protocols at maaaring magpatupad ng shutdown sa mga nasabing kumpanya kung kinakailangan.

Samantala, sa pinakabagong COVID-19 Update na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, alas-3 ng hapon ng Agosto 6, 2020, ang limang siyudad na nangunguna sa may mataas na bilang ng COVID-19 confirmed cases ay ang Sta. Rosa, 814 na kaso; Binan, 761; San Pedro, 715; Calamba, 590; at Cabuyao, 336.

Ang mga nabanggit na siyudad ang siya ring mga nangunguna sa may mataas na bilang ng active cases: Sta. Rosa, 442 na kaso; Calamba, 434; Binan, 336; San Pedro, 258; at Cabuyao, 184.

Sa mga siyudad ding ito matatagpuan ang karamihan ng mga industrial at science parks na pinanggagalingan ng karamihan sa mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa Lalawigan ng Laguna.

May 21 industrial parks sa iba’t ibang bayan sa lalawigan na may kabuuang 2,428 kumpanya at mahigit sa isang milyong empleyado ang mga nagtatrabaho dito na isa sa contributing factors sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan. Ito ay binanggit ni Gov. Ramil Hernandez sa naganap na coordination meeting ng Laguna, Regional at National Task Force Against COVID-19 noong Miyerkules. (CPG, PIA-4A with report from Gov. Ramil Hernandez FB Page)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments