LUNGSOD NG BUTUAN, Agosto 18 (PIA) -- Tumugon ang mga residente ng Barangay Poblacion sa bayan ng Rosario, probinsya ng Agusan del Sur sa panawagan ng Philippine Red Cross (PRC) Agusan del Sur Chapter para magdonate ng dugo.
Isa sa kanila si Charity Canudas, isang estudyante. “Isang kasiyahan para sa amin na representative ng youth na makapagdonate lalo na sa pandemic ngayon na maraming nangangailangan ng dugo. Kaya napaka-blessed ko ngayong araw na ito na makapagdonate ng dugo kasama ang iba pang sektor,” banggit niya.
Sinamahan ng higit 70 kabarangay si Charity sa pagdo-donate ng dugo.
“Layun ng bloodletting activity na ito na makakolekta ng dugo mula sa mga donors upang makatulong sa mamamayan ng Agusan del Sur na nangangailangan ng dugo sa panahong ito ng pandemya at para na rin sa mga cancer patients, surgical operations, at mga buntis,” ani ni Regine Gail Casido, ng CSR Blood Services, PRC-Agusan del Sur Chapter.
Umabot ng 68 units ng dugo ang nakolekta ng Red Cross sa nasabing aktibidad.
“Sa kabila ng pandemya ngayon, kami sa Barangay Council ay lubos na nagpapasalamat sa mga nag-donate ng dugo. Ang mga ito ay malaking tulong din sa mga nangangailangan lalo na sa mga may sakit,” ani ni Joel Bantilan, punong barangay ng Poblacion, Rosario, Agusan del Sur.
Tumanggap naman ang bawat donor ng isang supot ng bigas at ilang canned goods bilang pasasalamat at tulong na rin ng mga miyembro ng council sa nasabing barangay para sa mga residente. (JPG/PIA-Caraga)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments