Tagalog News: Unang positibong kaso ng COVID-19 sa Pola, naitala

Nagsagawa ng contact tracing ang mga kawani ng Pola MHO (nakaputi) sa mga residente ng Sitio Triangle, Brgy. Matulatula kung saan nakumpirma ang unang kaso na nagpositibo sa COVID-19 mula sa isang LSI. (kuha ng Pola MHO)

POLA, Oriental Mindoro, Agosto 24 (PIA) -- Nagpahayag ng pagkalungkot si Mayor Jennifer M. Cruz sa kumpirmasyon na may una nang naitala na kaso ng COVID-19 sa bayan na nagmula sa isang Locally Stranded Individual (LSI) na galing Manila at residente ng Sitio Triangle, Brgy. Matulatula noong Agosto 21.

Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Leah Reyes, “nais naming ipabatid na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapagtala ang ating bayan ng isang kumpirmadong kaso ng COVID-19 na isang LSI habang wala pang kaso ng local transmission sa ating bayan.”

Ang pasyente ay nagmula sa Tondo Manila na dumating noong Agosto 6. Nagnegatibo sa rapid test ngunit sumailalim din sa confirmatory RT-PCR swab test at sa mandatory 14-araw na quarantine sa tahanan nito sa nasabing barangay, bagamat hindi naman aniya ito nagpakita ng anumang simtomas ng sakit.

Dagdag pa ni Reyes, nakipagugnayan na ang pamahalaang lokal sa Philippine National Police (PNP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at sa Sangguniang Barangay ng Matulatula upang magsagawa ng agarang contact tracing. Imunungkahi din ng opisyal ng kalusugan na pansamantalang i-lockdown ang naturang sitio sa barangay.

Samantala, malugod na ibinalita ng MHO na dahil sa mga ipinatutupad na health protocols ng Pola LGU, iilang tao lamang ang nagkaroon ng direktang pakikipag-ugnayan sa pasyente at kasalukuyang sumasailalim na rin sa monitoring ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT). Maari aniyang ituring na clinically recovered na ang pasyente, subalit sinisiguro pa rin ng pamahalaan na ligtas ang komunidad kung kaya inilagay nila ito kasama ang kanyang asawa sa isang municipal isolation unit para sa extended quarantine.

Patuloy pa rin ang panawagan nina Cruz at Reyes sa mamamayan na sumuod sa mga alituntunin na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan upang maging ligtas sa banta ng COVID-19. Ugaliing magsuot ng face mask at face shield sa tuwing lalabas, obserbahan ang social o physical distancing at buong pagsunod ng mga LSIs, Overseas Filipino Workers (OFW) at Authorize Person Outside of Residence (APOR) sa mga quarantine guidelines. (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments