DSWD sa publiko: Sa gitna ng pandemya, patatagin ang Pamilyang Filipino

LUNGSOD CALOOCAN, Set. 22, (PIA) - - Nananawagan sa publiko ang National Committee on the Filipino Family (NCFF) na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na higit na patatagin ang pamilya Filipino sa kabila ng mga suliraning dinaranas  dahil sa pandemyang dulot ng  COVID-19.

Ginawa ang panawagan kaugnay sa selebrasyon ng ika-28 National Family Week na ipinagdiriwang Setyembre 21-27, 2020 na may temang, “Tungo sa Maginhawa, Matatag at Panatag na Pamilyang Filipino.”

Opisyal na binuksan nitong Lunes sa pamamagitan ng virtual launching na pinangunahan ni DSWD Secretary Rolando Bautista kasama sina Population Commission (PopCOm) Usec Juan Antonio Perez, Philippine Statistics  Authority (PSA) Usec Claire Dennis Mapa, Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez,, National Council on Disability Affairs (NCDA) Executive Director Engr. Emerito Roxas, Presidential Commission for the Urban Poor Chairperson Alvin Feliciano, National Economic Development Authority (NEDA) Usec Rosemarie Edillon, at Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo Puyat.

Bawat opisyal ay nagbigay pagbati na nagtutuon sa kahalagahan ng matatag na pamilya sa gitna ng pandemya at mga paalalang pag-iingat para maiwasan ang transmisyon.

Sinundan ito ng sabayang pagpapatunog ng kampanilya  sa iba’t ibang tanggapan ng DSWD at ng ibang tanggapan ng pamahalaan na simbolo sa kamalayan at pangako, na gunitain at palakasin ang pagkakaisaisa at pagbubuklodbuklod ng pamilyang Filipino.

“Bagama"t ang selebrasyon ay ipinagdiriwang sa gitna ng pandaigdigang  krisis dulot ng COVID-19, ang isang matatag na pamilya na nagpapamalas ng mahigit na suporta sa isat isa ay tumutulong upang mapagtagumpayan ang mga problemang panlipunan na dulot ng pandemya,” mensahe ni Bautista.

Kasama sa mga problemang kinakaharap ng pamilyang Filipino ay ang pagkawala ng trabaho at kabuhayan, problemang pangkalusugan at pangkaisipan, karahasan batay sa kasarian  at iba pa.

Nangako si Bautista na ang DSWD bilang pangunahing ahensiya, ay aagapay sa pamilyang Filipino sa pagbangon mula sa hamon na ito sa pmamagitan ng pagpapatupad ng mga programang tumutulong upang mapangalagaan at maprotektahan ang interes at kapakanan ng bawat isa.

“Asahan ang patuloy na pagtataguyod ng Kagawaran, ang kagalingan at pag-uugnayan at pagkakaisa ng pamilyang Filipino,” pangako ni Bautista.

Ang National  Family Week ay isang taunang selebrasyon na ginaganap tuwing ikaapat na linggo ng Setyembre batay sa  Presidential Proclamation No. 60 na inilabas noong Setyembrer 28, 1992.

May pangalawang temang, “Mapagkalingang Pagtugon at Proteksyon sa Bawat Pamilyang Pilipino Mula sa Mga Suliranin sa Gitna ng Pandemyang COVID-19,”ang pagdiriwang ngayon taon bunsod ng dinaranas na pandemya.

Ang tema ay nagbibigay diin sa kahalagahan ng pagbibigay nang mapagkalingang tugon sa mga pamilyang Pilipino sa mga suliraning pang-ekonomiya at proteksyon mula sa karahasan bunga ng krisis na idinulot ng COVID-19.

Isang apela rin itong maituturing sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan at mga organisasyon na pag-ibayuhin ang pagpapalakas at pagtataguyod ng pagkakaisa, pagbubuklodbuklod at katatagan ng pamilyang Filipino lalo pa nga at maraming kinahaharap na problema dulot ng pandemya.

Samantala, iba’t ibang aktibidad naman ang isasagawa ng mga aktibong miyembro ng NCFF. 

Ang Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (LDS), ay magsasagawa ng isang online Interfaith Family Forum sa Setyembre 23 na tatalakay sa iba’t-ibang mga isyu na kinakaharap ng pamilya.

Isang webinar ang isasagawa sa Setyembre 24 ng City of Manila, ang host local government unit ng 28th National Family Week, sa pakikipagtulungan sa  Philippine Educational Theater Association (PETA). Ang webinar ay tatalakay sa pagpapalakas ng pamilya sa pamamagitan ng responsible parenting at positive discipline.

Sa September 26 naman ay mag-oorganisa ang Commission on Population (POPCOM) ng isang talk show na pinamagatang, “Usap Tayo sa Family Planning.” Ito ay tatalakay sa mga ibat-ibang pamamaraan ukol sa pagpaplano ng pamilya upang tumulong ma-address ang isyu ng uplanned pregnancies sa quarantine period.

Gagamit din ang NCFF ng iba`t-ibang  online platforms upang bigyang-diin ang pagdiriwang ng Family Week para maitaguyod ang pagpapalakas at pagbibigay-proteksyon sa pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng #ProtektadongPamilyaSaCOVID-19 social media campaign.

Gamit ang hashtag, ang mga miyembro ng NCFF ay maglalabas sa kani-kanilang social media accounts ng mga paraan kung paano mapapanatiling ligtas, protektado, at buo ang pamilya sa gitna ng pandemya; at kung paano nila tinutulungan ang mga pamilyang Pilipino na makayanan ang mga epekto ng krisis sa kanilang buhay.

Samantala, muling binibigyan diin ng NCFF ang kahalagahan ng pagsunod sa “Kainang Pamilya, Mahalaga Day”. Ito ay taunang okasyon na ginagawa tuwing ikaapat ng Setyembre alinsunod sa Presidential Proclamation No. 326, series of 2012. Kaugnay din ito ng selebrasyong ng Filipino Family Week na binibigyan halaga ang sabayang pagkain ng pamilya upang mapanatili ang koneksyon at mapagtibay ang komunikasyon ng bawat miyembro.

Ang DSWD, kasama ang lahat ng mga kasapi ng NCFF, ay patuloy na magtutulungan upang maitaguyod ang mga magagandang katangian ng pamilyang Pilipino at upang suportahan at palakasin sila na makayanan ang maraming mga isyu at hamon sa gitna ng pandemya, upang makabangon  sila mula sa krisis.

“Babangon tayong sama sama bilang isang pamilya. Happy National family Week!” pagwawakas ni Bautista. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments