Encabo, nanawagan sa Metro Manila LGUs na maglaan ng 'temporary shelter' para sa mga LSIs

LUNGSOD CALOOCAN, Sept. 4 (PIA) -- Nanawagan nitong Biyernes ang “Hatid Tulong” program lead na si Assistant Secretary Joseph Encabo sa mga lokal na pamahalaan na sana ay maglaan ng pansamantalang matutuluyan para sa mga locally stranded individuals (LSIs) sa Metro Manila.

Sa programang Laging Handa public briefing ng Presidential Communications Operations Office, hinikayat ni Encabo ang mga LGUs na ilaan ang kanilang mga covered court, gymnasium, at mga center upang magsilbing “temporary shelter” para sa tinatayang 430 LSIs na pansamantalang nakakampo sa labas ng Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

“Kami po ay nakikipagugnayan sa ibang ahensya ng national government, ng local government units sa Kamaynilaan, kung makapagbigay po sila ng lugar kagaya po ng covered court o kaya gymnasiums o mga centers na puwede gawing [temporary shelters], bibigyan namin sila ng atensyon at doon natin sila dadalhin,” aniya.

“[Nasa] 430 ang estimated number ng mga indibidwal na nasa Libingan ng mga Bayani at patuloy kaming nagka-conduct ng profiling. Kapag nakakita na kami ng tamang lugar para gawing temporary shelter ay bibigyan naman namin sila ng pagkakataon na maka-avail noon,” dagdag pa ng opisyal na bibigyang prayoridad ang mga nanunuluyan sa libingan.

Ani Encabo, kanila nang sinulatan ang mga Pamahalaang Lungsod ng Taguig at Pasay para sa posibleng temporary shelters sa lugar para sa mga LSIs.

Gayundin, aniya, nakipag-ugnayan din ang Hatid Tulong sa mga pribadong sektor para sa karagdagang tulong para sa kanila.

Sa kabila nito, nanawagan naman si Encabo sa mga LSIs na sa gitna ng umiiral na limitasyon ay sisikapin nilang mapauwi ang mga ito sa kani-kanilang lalawigan sa lalong madaling panahon.

“Sana maintindihan po ng ating kababayang LSIs na ang approach po ngayon is cluster. Depende po sa mga region o probinsya na pwedeng tumanggap,” paliwanag niya.

“Hindi natin mapauwi nang sabay-sabay, sana maintindihan nila na ang approached ngayon is clustered. Depende sa regions o probinsya na pwedeng tumanggap,” aniya.

“Nananawagan kami na sundin nila ang proseso para sa Hatid Tulong initiative.” Dito, kailangan munang magpre-register ang mga LSIs sa kanilang LGUs upang matanggap ng Hatid Tulong ang listahan ng kanilang mga pangalan at iba pang detalye.

“Dahil sa limitasyon ng ating kagamitan at sasakyan na gagamitin ay hindi po natin sila maiuwi nang sabay-sabay,” dagdag pa niya.

Ibinalita rin ni Encabo na ang mga LGUs ng Bicol region bukod sa Masbate, Negros Oriental, Dumaguete, Caraga, Cotabato, South Cotabato, Jolo, Tawi-Tawi, at Palawan ay nagpahayag ng kagustuhang tanggapin ang mga kababayan nilang LSIs.

Simula noong nag-umpisa ang Hatid Tulong initiative, sinabi ni Encabo na nakapagtala na sila nang bilang mula 126,000 hanggang 128,000 na natulungan sa buong bansa. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments