Pagdiriwang ng 'National Frontliners Month' tuwing Hunyo isinulong ni Gatchalian

Kuha mula sa Tanggapan ni Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Set. 11 (PIA) -- Posibleng magkaroon ng pagdiriwang ng National Frontliners Month ang bansa tuwing Hunyo, matapos maghain si Senator Win Gatchalian ng isang panukalang batas na nagsusulong nito bilang pagpupugay sa lahat ng frontline workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Layon ng Senate Bill No. 1775 o "The National Frontliners Month Act" na kilalanin ang ambag at kabayanihan ng mga frontliners sa pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mga pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangunahing pangangailangan sa panahon ng sakuna, kalamidad, at iba pang uri ng pinagdaraanang krisis.

“Bilang pagpupugay at pagpapahalaga sa kabayanihan ng ating mga frontliners, isinusulong nating kilalanin ang kanilang mga sakripisyo sa pamamagitan ng isang pormal na pagdiriwang tuwing buwan ng Hunyo, kung saan kinikilala rin natin ang mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating kalayaan. Nararapat lamang na ipakita natin sa ating mga bagong bayani ang pinakamataas na pagkilala lalo na’t sila ang nangunguna sa ating laban sa pandemyang dulot ng COViD-19,” sinabi ni Gatchalian sa PIA-NCR.

Kabilang, aniya, sa frontline workers na layong kilalanin ng naturang panukala ang mga healthcare workers, food delivery drivers, mga empleyado sa supermarket at mga kainan, gwardya, kawani ng mga lokal na pamahalaan, social workers, manggagawa sa agrikultura, mga pulis, at mga sundalo. Kabilang din sa mga kikilalanin sa panukala ang mga logistics workers, storekeepers, mga kolektor ng basura, empleyado ng bangko, kawani ng media, at mga empleyado sa utilities tulad ng tubig at kuryente.

Ayon kay Gatchalian, isinasakripisyo ng mga naturang manggagawa ang kanilang kalusugan upang mapanatili ang kaligtasan ng bansa at pagktakbo ng ekonomiya sa kabila ng banta ng COViD-19. Dagdag pa ng mambabatas na kailangang patuloy ang pagkilala sa mga frontline workers na itinuturing na mga bayani sa panahon ng pandemya.

Paliwanag ng senador, isasabay ang panukalang ‘National Frontliners Month’ sa pagdiriwang ng kasarinlan ng bansa, kung saan inaalala ang sakripisyo ng mga bayaning lumaban sa pananakop ng mga dayuhan.

Sa ilalim ng naturang panukala, ang Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay makikipag-ugnayan sa Civil Service Commission (CSC) at iba pang ahensya ng gobyerno upang magsagawa ng mga programang pararangalan ang mga frontline workers. Pararangalan din sa mga programang ito ang kahusayang ipinakita ng mga lokal na pamahalaan, kabilang ang mga opisyal at empleyado ng mga barangay, sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments