LUNGSOD CALOOCAN, Set. 15 (PIA) -- Nilinaw ni Joint Task Force COVID-19 Shield Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar nitong Lunes na pawang mga public posts lamang ang minomonitor ng kanilang hanay hinggil sa quarantine violation.
Sa interbyu ni Eleazar sa Laging Handa Public Briefing, nilinaw niya na hindi ang mga personal na account sa social media ng mga mamamayan ang kanilang minomonitor para sa mga quarantine violations.
"Bago pa man nagka-pandemic ay mayroon nang mga official Facebook account ang mga presinto na kung saan ay doon puwedeng magpadala ang mamamayan ng mga impormasyon na makakatulong sa PNP [Philippine National Police]," aniya.
"Ang tanging impormasyon na amin pong minomonitor ay ang mga ipinadala lamang po sa amin o mga pinost na public or openly na posted na nais iparating sa PNP," dagdag niya.
“Binibigyan natin ng pagkakataon ang iba nating kababayan na through hotline at sa social media na ayaw magpakilala na ipinadala sa atin ang mga nakikita nilang violations. We will not use or utilize additional personnel or resources for this kasi may mga naka assign naman tayong mga Community Affairs Personnel na tumitingin sa mga Facebook account," giit ni Eleazar.
"Ang ating mga pulis naman through the use of their cellphones ay pwedeng mag monitor kung merong publicly na naka post na pwedeng ma aksyunan lalo na kung within their jurisdiction. Hindi ito ngayon lang ginagawa dahil may mga nag viral na na file-an na natin ng mga kaso,“ paliwanag din nito.
Ibinahagi din ni Eleazar na hindi basta-basta ang pag pa file ng kaso sa mga nirereport sa kanila.
Aniya, may proseso silang sinusunod at kanilang bina validate ang mga report na ito. Kapag ito ay napatunayan na totoo, sila ay hihingi ng assistance sa barangay para ma identify kung sino talaga ang tinutukoy na violator. At kapag may basehan na sila saka lamang sila kakalap ng karagdagang ebidensya para ito ay ma file-an ng kaso sa Office of the City of the Prosecutor at kapag na evaluate at may probable cause saka lamang makakapag issue ng warrant of arrest.
Binanggit ni PLt. Gen. Eleazar na ang kanilang imomonitor ay ang mga opisyal na Facebook accounts lamang.
Idinagdag pa niya na nais nilang palakasin ang mga Barangay Reporting System sa pamamagitan nang paggamit ng Social Media at ang kanilang hotline na kabilang din sa kanilang regular na minomonitor. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments