Tagalog News: 2020 census sinimulan na ng PSA-BARMM

LUNGSOD NG COTABATO, Set. 2 (PIA) – Sinimulan na kahapon ng Philippine Statistics Authority ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PSA-BARMM) ang 2020 Census of Population and Housing (CPH).

Sa ginanap na virtual press briefing kamakailan, sinabi ni PSA-BARMM Regional Director Razulden Mangelen na nagtalaga ang PSA-BARMM ng humigit-kumulang 5,000 mga enumerator na magsasagawa ng census sa buong rehiyon ng Bangsamoro. Siniguro pa niya na ang mga enumerator ay may kaukulang Personal Protective Equipment (PPE) at mahigpit na susunod sa minimum health standards habang isinasagawa ang house-to-house survey.

Hinimok naman ni Mangelen ang mamamayan ng BARMM na maglaan ng kaunting panahon upang sagutin ang mga tanong ng enumerators. Saad ng opisyal, layunin ng nasabing census ang makakuha ng tamang datos na siyang gagamitin ng pamahalaan sa pagbabalangkas ng mga polisiya at programa para sa rehiyon.

Samantala, hiniling din ni BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang tulong at suporta ng nasasakupan ng BARMM sa 2020 CPH sa pamamagitan ng paglagay ng tamang impormasyon. Aniya, ito ay mahalaga sa pag-unlad ng mga polisiya at programa ng Bangsamoro. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).

 

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments