LUNGSOD NG BATANGAS, Set 4 (PIA) --Apat na Batanguenong mag-aaral ang pinagkalooban ng full scholarship grant mula sa Department of Agriculture Agricultural Training Institute (ATI).
Ang mga mag-aaral na ito ay pormal na ipinakilala ng Office of the City Veterinary and Sgricultural Services (OCVAS) kay Mayor Beverley Rose Dimacuha na kabilang sina Jolina Asi ng Brgy. Conde Itaas; Yvonne Faurillo ng Brgy. Talumpok Silangan; Wilberto Babasa ng Brgy, Dumuclay at Jhon Lester Dela Cruz ng Brgy. Pinamucan Proper.
Nakatakdang magbukas ang online class sa Oktubre 5 kung saan ang mga scholars na ito ay makakapag-aral ng limang taong kurso sa Agriculture at Agricultural Biosystem Engineering sa Laguna State Polytechnic University.
Bukod sa matatanggap na libreng tuition at school fees, ang bawat isa ay may monthly stipend na P5K; book allowance na nagkakahalaga ng P1,500 bawat semester; lodging allowance kada buwan P1K; research allowance P10K kapag aprubado ang kanilang thesis at research proposal at graduation fee na hindi lalampas sa P3K.
Bunsod nito, nagpaabot naman ng lubos na pasasalamat ang mga scholars at ang kanilang mga magulang sa pagsuporta ng pamahalaang lungsod dahilan sa referral at suporta ng mga ito upang mag-qualify sa nasabing scholarship program.
Kaugnay nito, nakatakdang tumanggap ng EBD scholarship grant ang lima pang mag-aaral ng lungsod na hindi kwalipikado sa ATI scholarship program na mag-aaral din sa nabanggit na state university. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS at ulat mula sa PIO-Batangas City )
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments