Tagalog News: Earthquake Drill sa panahon ng pandemya, tinakalay ng OCD-4A sa webinar

LUNGSOD NG BATANGAS, Set 18 (PIA) --Tinalakay ng Office of Civil Defense (OCD) 4A sa webinar ang NDRRMC Memo 71 o Interim Guidelines on the conduct of Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa panahon ng COVID-19 pandemic.
 
May titulong “Earthquake Preparedness in the New Normal,” tinalakay sa webinar ang mga bagong panuntunan na inilabas ng NDRRMC sa pagsasagawa ng earthquake drills sa panahon ng pandemya.
 
Sa mensahe ni DSWD USec. Anton Hernandez, sinabi nito na napakahalaga na maipaalam sa publiko ang anumang impormasyon na nakapaloob sa webinar na ito dahil malaki ang maitutulong nito upang maging advocates sa panahon ng kalamidad.
 
“Malaking bagay ang pagsasagawa ng ganitong webinar lalo na sa panahon ngayon na alam nating maraming adjustments na kailangang gawin. Halimbawa ung mga Go Bags natin na dapat may face mask at alcohol na dahil yan ang mga pangunahing pangangailangan sa panahon ngayon, gayundin ang revision ng mga preparedness plan upang maiplano ng maayos kung sakaling may gagawing paglilikas at kung paano mapa-practice ang physical distancing," ani Hernandez.
 
Kaugnay nito, tinalakay ni Kelvin John Reyes mula sa OCD 4A ang NDRRMC Memo #71 kung saan nakapaloob ang mga panuntunan sa pagsasagawa ng NSED ngayong panahon ng pandemya. Kabilang dito ang pagkansela ng hosting para sa national at regional sites, gayundin ang pagbabawal ng drill o trasdiyunal na gawaing kaugnay nito na magiging daan upang magkumpulan ang mga tao.
 
Samantala sa information education campaigns, binibigyang diin ang pagsasagawa ng earthquake evacuation habang isinasagawa pa din ang pagsunod sa minimum health standards; pagbabago ng preparedness at response plans habang ikinokonsidera ang nararanasang sitwasyon dulot ng COVID-19; paghahanda ng Go Bag na may nilalamang health related personal protective equipment tulad ng face mask at alcohol; pagkakaroon ng gender sensitivity habang isinasagawa ito. (Bhaby De Castro, PIA-Batangas)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments