Tagalog News: Tagalog News: Boac Mayor Carrion, positibo sa COVID-19

Si Mayor Armi Carrion ay sumailalim sa RT-PCR test noong Setyembre 6 at lumabas ang resulta na nagku-kumpirmang positibo ito sa COVID-19 noong Setyembre 11. (Larawan mula sa opisina ni Mayor Carrion)

BOAC, Marinduque, Setyembre 18 (PIA) -- Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 si Boac Mayor Armi Carrion.

Ito mismo ang kinumpirma ng alkalde sa kanyang inilabas na opisyal na pahayag kamakailan.

"Tinawagan po ako ni Dr. Gerry Caballes, ang ating Provincial Health Officer upang ibalita ang resulta ng aking RT-PCR test. Opo, lumabas po sa resulta na ang inyong abang lingkod ay positibo sa COVID-19", emosyonal na pahayag ni Mayor Carrion.

Ayon kay Carrion, posibleng nakuha niya ang virus sa pamamagitan ng direktang pakikisalamuha kay Marinduque Patient No. 17 na kanyang personal driver.

Dagdag pa ng punongbayan na maliban sa nawalan ng pang-amoy ng dalawang araw ay wala na siyang nararamdamang anumang sintomas ng COVID-19 sa kasalukuyan.

"Huwag po kayong mag-alala, ako po ay nasa mabuting kalagayan at may malakas na pangangatawan. Nanumbalik na po ang aking pang-amoy at ako ay may gana nang kumain", ani Carrion.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang isolation period ng alkalde at umaasa na tuluyan na itong gumaling mula sa COVID-19.

Nanawagan naman si Mayor Carrion sa mga nakasalamuha nito na magself-quarantine o kaya ay agad na makipag-ugnayan sa mga municipal health officer kung nakararanas ng anumang sintomas ng virus.

Samantala, una nang isinagawa ang contact tracing ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) kasabay ang pansamantalang pagsasara ng munisipyo ng Boac para sa kaukulang disinfection. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments