LUNGSOD NG BATANGAS, Oktubre 1 (PIA) --Mas lalong pinahigpit ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang pagbabantay sa mga animal checkpoints upang hindi makapasok ang African Swine Fever (ASF) sa lungsod.
Ito ay alinsunod sa istriktong implementasyon ng mga checkpoints ng Office of the City Veterinarian and Agricultural Services (OCVAS).
Ilan sa mga dokumentong kailangang maipresenta upang payagang makapasok sa lungsod ang mga biyahero na may dalang mga baboy ay accredited transport carrier license, accredited livestock handler’s license at trader’s pass mula sa Provincial Veterinarian (Provet).
Kung palabas naman ng lungsod ang biyahe ng mga baboy, kailangan nito ay may ASF certificate at barangay certificate.
Ayon kay Dr. Macario Hornilla, hepe ng OCVAS, kung sakaling kulang ang dokumento, maaaring icondemn ang mga baboy o pabalikin ang mga ito sa kanilang point of origin.
“Upang makontrol ang pagpasok at paglabas ng mga baboy, patuloy ang isinasagawang checkpoints sa mga biyahero ng baboy at ginagawa natin ang masusing pag-iingat upang masiguro ang kaligtasan ng mga alaga ng mga backyard raisers,” sabi ni Dr. Hornilla.
Bente kuwatro oras ang operasyon ng checkpoint sa Barangay Tingga Itaas upang mabantayan ang mga papasok na hauler at tinatagubilinan ang mga ito na sumailalim sa bio security measure o disinfection.
May koordinasyon naman ang checkpoint sa Barangay Balagtas sa Provet para sa mga byahero na dumadaan dito.
Kaugnay nito isang livestock hauler mula sa Bugallon, Pangasinan ang hindi pinayagang makapasok ng animal check point ng lungsod dahil sa kakulangan sa kaukulang dokumento.
Binigyang diin pa ni Hornilla na nananatiling ASF-free ang lungsod o wala pa ding naiitalang kasong ASF bagamat ito ay nasa buffer zone (pink) dahil ang mga katabing bayan nito ay nasa infected zone (red). (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas with reports from PIO Batangas City)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments