Tagalog News: Proyektong irigasyon sa Ibato-Iraan, Aborlan, pinakikinabangan na

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 30 (PIA) – Tinatamasa na ngayon ng 55 magsasaka ng 70 ektaryang lupain ang benepisyo ng patubig mula sa Ibato-Iraan diversion dam sa bayan ng Aborlan, Palawan.

Ito ay sa ilalim Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) ng National Irrigation Administration (NIA).

Ayon kay Daryle Cayao, tagapagsalita ng Palawan Irrigation Management Office (IMO), ang nasabing mga magsasaka ay dati lamang umaasa sa buhos ng ulan para may pang sustentong tubig sa kanilang sakahan, kung kaya lubhang apektado ang mga ito sa panahon ng tagtuyot.

Upang mas marami pa ang mga magsasakang makikinabang rito, sa ngayon ay nagpapatuloy ang konstruksyon ng pagpapalawak ng proyekto na pinondohan ng NIA ng P322, 832,438.17 na inaahasang matatapos sa panahon ng termino ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Aniya, sakaling makumpleto na ang pagpapalawig ng proyektong IBato-Iraan SRIP, aabot sa 860 ektarya ng sakahan sa lugar ang mapapatubigan nito, kung saan 425 na mga magsasaka naman mula sa mga barangay ng Sagpangan, Iraan at Isaub ang makikinabang dito.

Sinabi rin ni Cayao na sa kabila ng pandemya, tuloy-tuloy ang konstruksyon ng proyekto sa hangaring agarang matugunan ang pangangailangang patubig ng mga magsasaka sa lugar. (LBD/PIAMIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments