Tagalog News: Toog tree na nasa 300 taon na, itinuturing na pinakamatandang puno sa Pilipinas

BUTUAN CITY, Setyembre 23 (PIA) -- Kilala sa pagiging mayaman sa natural resources ang Agusan del Sur at kasama ditong dinadayo ng mga turista ang 300 taon ng Philippine Rosewood Tree o mas kilala ngayong "Toog Tree" sa bayan ng San Francisco.

Dahil sa taas nitong 54-meters, tinuturing itong pinakamataas at pinakamatandang puno sa bansa, ngunit nangangamba na ang mga residenteng malapit dito dahil sa unti-unti nang bumababa ang kalidad nito.

“Abot langit ang aming pasasalamat na puputulin na ang toog lalo na't napakalapit lang ng bahay namin sa toog. Tulad nung may lindol, kung nagtagal pa 'yun, natumba nga yung toog din doon, ito pa kaya na may malaking butas na sa loob," pahayag ng isang residente sa nasabing lugar.

Ayon kay Bunawan, Agusan del Sur CENRO Jerome Albia, nag-isyu ng clearance to cut nitong nakaraang taon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos ang pag-aaral ng mga eksperto dito at napag-alamang maaari na nga itong makaaksidente dahil sa katandaan nito.

"Kasama din doon yung research natin kasi sila ‘yung nagsagawa ng bio mechanical and structural analysis noong Hulyo ng nakaraang taon. At ito ‘yung pinakapangunahing rason ng ating DENR regional director sa pag-isyu ng clearance to cut dahil nga sa panganib na dala ng Toog Tree sa mga kalapit na residente," ani ni Albia.

Sinabi rin ni CENRO Albia na may mga grupo ring tumututol sa pagputol ng Toog Tree. "Noong na-issue na ang permit to cut, may mga grupo na tumutol at gustong ipagpaliban ang pagputol ng Toog Tree at hanapan ng ibang paraan kung paano ito ma-preserba dahil na nga sa legasiya at parte na ito sa mayamang kultura at pamana ng rehiyon," banggit niya.

Sa darating na Setyembre 25, 2020 ay magpupulong ang lokal na pamahalaan ng San Francisco, DENR kasama ang iba pang sektor para malaman ang pinal na desisyon kung kailangan na nga bang putulin ang Toog Tree o magagawan pa ng paraan upang maisalba ito. (JPG/PIA-Agusan del Sur)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments