Tagalog News: Web documentary na #Kalinga inilunsad sa BARMM

LUNGSOD NG COTABATO, Set. 23 (PIA) – Inilunsad kahapon ng Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (Project TABANG) ng Office of the Chief Minister-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OCM-BARMM) ang serye ng web documentary na tinawag bilang #Kalinga.

Ang #Kalinga ay binubuo ng mga kwentong nagpapakita at nagsusulong sa kamalayan ng publiko tungkol sa kasalukuyang buhay, kultura, at sitwasyon sa loob at labas ng rehiyon ng Bangsamoro sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sinabi ni Hadji Harris Ismael ng Project TABANG na naisipan nilang gumawa ng serye ng web documentary upang mabigyang pokus ang buhay ng kanilang mga benepisyaryo.

Ang #Kalinga ay mapanonood dalawang beses sa isang buwan sa opisyal na Facebook page ng Project TABANG.

Sa pilot episode ng #Kalinga, nakasentro ang kwento kay Babu Tundi, isang 75 taong gulang na nagbebenta ng mga prutas at gulay sa Supermarket sa lungsod ng Cotabato.

Ang kanyang kwento ay sumasalamin sa buhay ng isang ordinaryong Bangsamoro na patuloy na nakikipaglaban upang mapabuti ang buhay sa gitna ng kinakaharap na pandemya.  (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments