CABARROGUIS, Quirino, Oktubre 21 (PIA)—Nag-aalala ngayon ang mga magsasaka sa Saguday dahil 80 porsiyento ng mga palayan dito ang masisira kung tuluy-tuloy ang pag-ulan at paghagupit ng hanging dala ng bagyong si Pepito.
Ang bayan ng Saguday ang itinuturing na rice granary ng lalawigan.
Ayon kay Municipal Risk Reduction and Management Officer Joey Gamboa, sa kanilang paglilibot sa mga barangay ay nakita nilang nag-uumpisa pa lamang mag-ani ang mga magsasaka at karamihan pa sa mga pananim na palay ay nasa ripening stage o nagpapahinog pa lamang.
Handa naman umanong tumulong ang pamahalaang bayan sa pamamagitan ng pagpasok sa crop insurance ng mga palayan subalit hindi lahat ng nagastos ay maibabalik sa mga magsasaka.
Samantala, wala pang binabahang lugar sa nasabing bayan ngunit nakahanda na ang mga residenteng maaapektuhan na lumikas sa mga evacuation center kung sakaling tataas ang tubig sa kanilang lugar.
Apat na barangay ang binabantayan kabilang ang Salvacion, Rizal, Magsaysay at Gamis dahil sa pagbaha at may 20 pamilyang maaapektuhan.
Tuluy-tuloy rin ang pag-ikot ng Public Address System sa mga barangay upang masiguro na walang mapipinsala sa pag-landfall ng bagyo mamayang gabi.
Ang bayan ng Saguday ay kilala sa kahandaan nito sa mga peligro at ilang beses na rin itong tumanggap ng gantimpala mula sa iba’t ibang award-giving bodies dahil sa maagap na pagtugon sa mga sakuna. (MDCT/TCB/PIA 2-Quirino)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments