LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 30 (PIA) -- Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang programang Free Bisikleta o FreeBis noong Miyerkules, Oktubre 28, 2020.
Sa pamamagitan ng programa ay nabiyayaan ang 44 mamamayan ng lungsod ng libreng bisikleta, water bottle holder, carrier, insulated leather bag, helmet with reflectorized vest, adult PVC rain coat, at cellphone na may P5,000 load.
Bukod pa rito, apat din ang maswerteng nabigyan ng libreng tablet mula kay Senador Bong Go.
Ang 44 napiling benepisyaryo ay may mga online business sa North at South Caloocan. Sila ay dumaan sa masusing proseso at nakipag-ugnayan sa tanggapan ng Caloocan City Public Employment Service Office (PESO).
"Tayo po ay nagpapasalamat sa DOLE at kay Senator Bong Go sa kanilang patuloy na pag-agapay sa atin at pagiging katuwang sa mga programang para sa tao," pahayag ni Mayor Oca Malapitan.
"Kasama po ng bawat isa ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa inyong pagbangon mula sa pandemyang ito. Nawa'y ang mga bisekleta at cellphone na ito ay makatulong sa inyong kabuhayan," dagdag ni Malapitan.
Kasama ni Malapitan sa paglulunsad ng programa si Congressman Along Malapitan, DOLE ASec Victor Del Rosario, DOLE-NCR Asst. Regional Director Atty. Marian Sevilla, at PESO Caloocan head Violeta Gonzales. (PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments