Manila North Cemetery, pansamantalang isinara sa Undas

LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 29 (PIA) --Pansamantalang isinara ang Manila North Cemetery mula kahapon, Oktubre 28 hanggang Nobyembre 5 para sa mga bibisita dito alinsunod sa Executive Order No. 38 ng Lungsod ng Maynila.

Pinamunuan nina Manila North Cemetery (MNC) Director Roselle 'Yayay' Castañeda at Manila Police District Station 3 Commander Lieutenant Colonel John Guiagui kahapon ang seremonyal na pagsasara sa pamamagitan ng pagkakandado ng main gate nito bandang ala-singko ng hapon.

Humingi ng paumanhin si MNC Director Castañeda dahil sa pansamantalang pagbabawal na makapasok sa nasabing sementeryo bilang pag-iwas na rin sa paglaganap ng COVID-19 virus. Ayon kay Castañeda, maaari pa rin namang magproseso ng libing at cremation sa Manila North Cemetery.

"Ngayon pa lang po, humihingi na kami ng paumanhin. Ayaw po naming mangyari po ito, pero subalit na sa pandemya po tayo kaya kinakailangan po natin talagang isara muna sa pampubliko para hindi na rin tayo magkaroon ng hawa-hawaan at hindi na tayo magkasakit," ani Castañeda.

Ayon naman kay Lt. Col. Guiagui, ang mga residenteng nakatira sa loob ng MNC lamang ang maaaring maglabas pasok sa naturang lugar hangga't sila ay may quarantine pass. Dagdag din ni Lt. Col. Guiagui na hindi pa rin maaaring lumabas ang mga batang may edad 16 pababa, at mga matatandang may edad 65 pataas.

"Ang mga nadun sa loob, may mga bahay na sa loob, mga residente nang nasa loob, 'yun lang ang pwedeng lumabas at pumasok dito but they should be under authorized person outside residences. So paano natin malalaman kung sila ay residente? Mayroon yang dating mga quarantine passes, naka-register sa barangay, so 'yun lang ang pwedeng pumasok. Lahat ng mga 16 below at 65 up na mga taong nasa loob, hindi rin pwedeng maglabas pasok," ani Guiagui.

Paalala ni Castañeda, 30 na katao lamang ang maaaring makipaglibing kasama na ang bilang ng pamilya ng mga namatayan, at hindi maaaring pumasok ang mga sasakyan maliban sa karo ng patay.

Muling bubuksan sa publiko ang Manila North Cemetery pagsapit ng alas-syete ng November 5. (MPIO/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments