LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 31(PIA) -- Hinimok ngayong araw ni Senador Win Gatchalian ang mga pribado at pampublikong paaralan na paigtingin ang kanilang mga programa laban sa pagkalat ng maling mga impormasyon o minsinformation, lalo na ang mga bagay na may kinalaman sa COVID-19.
Ito'y sa gitna ng pagdiriwang ng Global Media and Information Literacy Week na nagtatapos ngayong araw, ika-31 ng Oktubre.
Dahil ang mahigit dalawampu’t limang (25) milyong mga mag-aaral sa bansa ay mataas ang exposure sa iba’t ibang anyo ng media dahil sa distance learning, nagbabala si Gatchalian na mas nanganganib silang makatanggap ng mga maling impormasyon na maaring magdulot ng kalituhan. Ngunit dahil ang media and information literacy ay saklaw ng K to 12 curriculum, mahalaga ang papel ng mga paaralan upang masugpo ang lantarang pagkalat ng mga maling impormasyon o ang tinatawag ng World Health Organization (WHO) na ‘infodemic crisis’ hinggil sa COVID-19, sabi ng mambabatas.
Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), ilan sa mga tema ng infodemic ay ang pinagmulan at kung papaano kumakalat ang sakit, mapanlinlang na mga datos, at mapanganib na impormasyong may kinalaman sa lunas at paggamot ng naturang sakit.
Upang mapaigting ang mga programa sa media and information literacy, ipinapanukala rin ni Gatchalian na palawigin ng DepEd ang pakikipag-ugnayan nito sa mga batikang mamamahayag na una nang nakapagbigay ng pagsasanay o training para sa mga tinaguriang teacher-broadcasters. Maaari rin aniyang makipagtulungan sa mga lokal na istasyon ng radyo at telebisyon sa iba’t ibang probinsiya para sa distance learning.
Mahalaga rin ang papel ng media literacy para sa pagpapaigting ng edukasyon sa kalusugan, ani Gatchalian.
Batay sa “Key Messages and Actions for COVID-19 Prevention and Control in Schools” na binuo ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), WHO, at International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC), mahalaga ang papel ng media literacy upang maging mapanuri ang mga mag-aaral, mahasa ang kanilang kakayahan sa komunikasyon, at maging aktibo sa kanilang pakikilahok sa lipunan.
Bahagi ng rekomendasyon ng tatlong organisayon ang paglikha ng mga public service announcement sa radyo, telebisyon, at social media.
“Ang pagkalat ng fake news o anumang maling impormasyon sa kalagitnaan ng isang pandemya ay kasing lala o mas malala pa sa isang delikadong sakit na kailangan ding sugpuin. Mahalaga ang papel ng edukasyon sa pagbabahagi ng tamang impormasyon upang mas magabayan natin ang ating mga kababayan sa gitna ng kinakaharap nating krisis,” ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
“Sa pagsugpo natin sa COVID-19, higit na kailangan nating maturuan ang ating mga mag-aaral na maging mapanuri at maging aktibo sa pag-angat ng kanilang kaalaman,” pahayag ng mambabatas. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments