LUNGSOD NG CABANATUAN, Oktubre 18 (PIA) -- Nasa 110 na Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs ang nabigyan ng livelihood starter kit ng Department of Trade and Industry.
Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, ito ay sakop ng programang Negosyo Serbisyo sa Barangay na kung saan 18 ang inilunsad nito lamang ika-30 ng Hunyo hanggang ika-pito ng Agosto.
Aniya, layunin ng proyektong makapagbigay ng pangkabuhayan sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa barangay na nais makapagsimula ng negosyo o mapalago ang mga nakatatag ng hanapbuhay.
Ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng mga kagamitan at paninda na nagkakahalagang 7,500 piso.
Pahayag ni Pili, ilan sa mga piniling pangkabuhayan ng mga benepisyaryo sa lalawigan ay ang pagkakaroon ng sari-sari store, rolling store, bigasan, rug making, dishwashing liquid making at mushroom production.
Aniya, hindi lamang sa pagkakaloob ng kagamitan o paninda natatapos ang pagtulong ng ahensiya dahil itinuturo din ng tanggapan ang wastong pamamalakad at iba pang mga kailangang kasanayan sa pagsisimula ng negosyo.
Paglilinaw ni Pili, ginagabayan ng tanggapan ang mga benepisyaryo upang mapalago ang mga natanggap na ayuda upang kanilang mapakinabangan ng mahabang panahon.
Sa kabuuan ay humigit 675-libong piso ang pondong ginugol ng kagawaran sa pagkakaloob ng libreng pangkabuhayan sa 110 na mga benepisyaryo.
Paglilinaw ni Pili, bukod pa ito sa livelihood starter kit na sakop ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG na ipinagkakaloob ng DTI sa mga nawalan ng negosyo dahil sa kalamidad o sakuna.
Kaniyang ibinalita na sa unang bahagi ng programa ngayon taon ay umabot sa humigit 1.3-milyong piso ang ipinamahaging livelihood grant sa 144 benepisyaryo sa lalawigan.
Ang mga negosyanteng benepisyaryo ay biktima ng tornado, sunog at mga lubos na naapektuhan ng pandemiyang COVID-19. Kanilang tinanggap ang livelihood kit na nasa halagang walo hanggang siyam na libong piso. (CLJD/CCN-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments