Tagalog News: Mga kagamita’t makinarya, ipinagkaloob ng DTI para sa mga magkakawayan sa General Tinio

LUNGSOD NG CABANATUAN, Oktubre 18 (PIA) – Ipinagkaloob ng Department of Trade and Industry o DTI Nueva Ecija ang mga kagamita’t makinarya para sa mga magkakawayan sa General Tinio.
 
Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, ito ay mula sa programang Shared Service Facility o SSF ng tanggapan na layong makatulong sa mga kooperatiba sa lalawigan na mapadali at mapaganda ang mga produktong ibinebenta. 
 
Tinanggap ng pamahalaang bayan ng General Tinio ang tig-isang pole cutter at treatment vat gayundin ang dalawang pirasong rip saw na sa kabuuan ay nagkakahalagang 442,000 piso. 
 
Ito ay upang magamit ng mga kooperatiba na gumagawa ng bamboo slats sa nasabing bayan. 
 
Ibinalita din ni Pili na mayroon ding ipinagkaloob na mga makinarya ang tanggapan sa mga mag-wawalis tambo ng kooperatibang Cuyapa Gabay sa Bagong Pag-asa, Inc. na mula sa bayan ng Gabaldon. 
 
Kanilang tinanggap ang tig-isang yunit ng tiger grass pollen extractor at brush cutter na nagkakahalagang humigit 96,000 piso. 
 
Ayon pa kay Pili, nakalinya din sa mga magiging benepisyaryo ng SSF ang pamahalaang bayan ng San Leonardo na tatanggap ng vacuum sealer para sa mga nasasakupang gumagawa ng tinapa. 
 
Aniya, kung maayos na nagagamit at napakikinabangan ang mga makinarya sa ilalim ng SSF project ay pormal na ipapangalan ang pag-mamayari ng mga kagamita’t makinarya sa benepisyaryong lokal na pamahalaan o kooperatiba. (CLJD/CCN-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments