Tagalog News: 29K bata sa Cotabato City target mabakunahan kontra measles-rubella

LUNGSOD NG COTABATO, Okt. 29 (PIA) – Nasa 29,837 na mga bata dito sa lungsod na may edad siyám na buwan hanggang wala pang limang taong gulang ang target na babakunahan kontra measles-rubella na nag-umpisa noong Lunes, Oktubre 26 hanggang Nobyembre 25.

Sa ginanap na kick-off ceremony ng Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity noong Lunes sa Barangay Poblacion 4 ng lungsod, binigyang-diin ni DOH-CHD XII Expanded Program on Immunization coordinator Dr. Edvir Jane Montañer ang kahalagahan ng pagbabakuna upang makaiwas sa naturang mga sakit. Aniya, ang bakuna sa measles-rubella ay ligtas at epektibo.

Kaugnay nito, ayon sa opisyal, hindi inirerekomenda ng DOH-CHD XII ang pagsasagawa ng house to house na pagbabakuna upang mapanatili ang potency ng vaccine.

Sa halip ay isinasagawa ng mga vaccination team ang dalawang uri ng stratehiya ng pagbabakuna, ang fixed posts at temporary posts.

Ang fixed posts ay ang mga health centers, rural health units, barangay health station, mga pribadong klinika o outpatient department (OPD) ng mga ospital. Kabilang naman sa temporary posts ang community centers, school grounds, church grounds, at iba pang mga lokasyon sa bawat barangay. Sa mga lugar na ito, pwedeng isagawa ang pagbabakuna.

Hinikayat din ni Montañer ang mga magulang na makiisa sa aktibidad. Siniguro din nitong sumusunod ang mga health worker sa ipinatutupad na minimum health protocols upang hindi magkaroon ng coronavirus disease 2019 transmission.

Samantala, sinabi naman ni Cotabato City Health Officer Dr. Meyasser Patadon na handa ang mga vaccination team ng lungsod sa pagbabakuna. (LTBolongon-PIA Cotabato City)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments