LUNGSOD NG BATANGAS, Okt 2 (PIA)--Nagkaloob ang Department of Agriculture (DA) Region IV-CALABARZON ng kabuuang P14,508,784 halaga ng interventions sa mga magsasaka sa unang distrito sa lalawigan ng Batangas noong ika-24 ng Setyembre.
Kabilang sa mga interventions na ito ay mga butong pananim, agricultural machinery/equipment, farm supplies, pataba, insecticides at mga alagang hayop.
Ang mga bayan at halaga ng mga inteventions na ipinagkaloob ay ang mga sumusunod: Balayan-P1,339,550; Calaca-P1,324,150; Calatagan-P864,860; Lemery-P2,120,900; Lian-P3,156,300; Nasugbu-P4,143,064; Taal-P1,270,460 at Tuy-P79,500 at karagdagang P210K na halaga ng assistance.
Sa mensahe ni 1st District Representative Eileen Ermita-Buhain, nagpaabot ito ng pasasalamat sa pagtugon ng DA sa panawagan upang patuloy na tulungan ang mga magsasaka at livestock raisers na naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal noong Enero 2020.
Sa pahayag ni DA Regional Director Engr. Arnel de Mesa, sinabi nito na malaki din ang pasasalamat ng kanilang ahensya sa buong suportang ibinibigay ng tanggapan ni Rep. Ermita-Buhain upang mabigyan ng budget ang mga programa ng kanilang tanggapan.
“Ang mga tulong ayuda na ibinibigay ng aming ahensya ay isang matibay na patunay na ang pamahalaan ay patuloy sa pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka. Kamakailan lamang ang pamahalaang nasyunal ay inaprubahan ang karagdagang P24B para sa sektor ng agrikultura ang nailaan para sa mg natitirang buwan ng taong 2020. Ito ay patunay na hindi ito ang huling ayuda na maaaring matanggap ng mga taga-unang distrito,” ani De Mesa.
Ayon pa kay De Mesa, mamimigay din sila ng libreng certified seeds at pataba para sa mga magsasaka ng palay ngayong darating na tag-init at kasama na ang pagkakaloob din ng solar-powered irrigation system sa Batangas.
Magbibigay din ang ahensya ng ayuda sa mga nais magtanim ng mais upang mas mapalakas ang industriya ng maisan lalo na ang yellow hybrid corn na mahalaga para sa livestock industry.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Provincial Veterinarian Dr. Rommel Marasigan sapagkat aniya, malaking tulong ito para sa mga magsasaka sa lalawigan. Alinsabay nito, pinaalalahanan niya ang mga magsasaka na pahalagahan ang tulong na ito ng DA upang magkaroon pa ulit ng mga kasunod na ayuda.
Pinapurihan naman ni Provincial Agriculturist Engr. Pablito Balantac ang lahat ng mga magsasaka sa tibay at dedikasyon upang makapagbigay ng pagkain sa mga tao lalo na ngayong panahon ng pandemya. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas at ulat mula sa DA Calabarzon)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments