LUNGSOD NG MALOLOS, Oktubre 3 (PIA) -- Tumanggap ng kahun-kahon na iba’t ibang sariwang isda at pusit ang pamahalaang panlalawigan mula sa Office of Civil Defense o OCD.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head Felicisima Mungcal, pang-anim na batch na ito mula sa OCD na ipinadala sa lalawigan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.
Ang nasabing mga isda at pusit ay pawang nakumpiska ng Bureau of Customs dahil ipinasok sa merkado ng Pilipinas na walang import permit.
Simula nitong Hunyo 2020, buwan-buwan ay nakakatanggap ang lalawigan ng tig-2,500 hanggang 5,000 kahon na may laman na mga sariwang isda.
Naglalaman ang bawat kahon ng 50 piraso ng isda gaya ng pahas o moon fish, galunggong at tulingan.
Samantala, pusit naman ang laman ng 84 kahon.
Paliwanag ni Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena Tiongson, bumuo ng sistema ang mga bayan at lungsod kung paano mapaghahatian ng tatlong pamilya ang isang kahon.
Tiniyak naman ni Gobernador Daniel R. Fernando na ligtas at malinamnam kainin ang nasabing mga isda at pusit. Malaking kabawasan din ito sa gastusin sa suplay ng pagkain ngayong may pandemya. (CLJD/SFV-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments