SAN JOSE, Occidental Mindoro, Okt. 30 (PIA) -- Pangungunahan ng Department of Science and Technology (DOST) ang isang dayalogo sa pagitan ng pamahalaan, industriya at mga mananaliksik ng Occidental Mindoro State College (OMSC), sa ika- 18 ng Nobyembre, sa OMSC Labangan Campus ng bayang ito.
Ayon kay Ethelwida Coronacion, Provincial Science and Technology Director (PSTD) ng DOST Occ Min, ang aktibidad ay mahalagang hakbang sa pagpapaunlad ng research and development (R&D) na nakikita ng ahensya na susi sa higit pang kaunlaran ng lalawigan.
Kabilang aniya sa mga ahensya ng gobyerno na inaasahang makikibahagi sa kumprehensibong talakayan ay ang Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agrarian Reform (DAR), at ang pamahalaang panlalawigan (PGOM). Ang sektor ng industriya naman ay kakatawanin ng mga kooperatiba ng mga magsasaka na posibleng makinabang sa iba’t ibang R&D projects, gaya ng Mindoro Occidental Farmers’ Cooperative (MOFC).
Pangunahing itatampok sa gaganaping dayalogo ang presentasyon ng OMSC research community ng mga bunga ng kanilang pagsasaliksik, partikular ang mga may potensiyal na benepisyo sa sektor-industriya at mga ahensya ng pamahalaan. Hihikayatin din ng DOST ang mga dadalong R&D stakeholders na magpanukala ng mga research activities na maaaring gawin ng akademya (OMSC), at makatutulong sa kani-kanilang tanggapan o negosyo.
“Naniniwala ang DOST na sa pamamagitan ng R&D ay maaring matuklasan ang isang proseso o teknolohiya na ika-aasenso ng isang industriya o kaya naman ay ikalulutas ng suliran ng isang ahensya,” paliwanag ni Coronacion.
Kaugnay nito, ay ibinahagi ng DOST OccMin Director ang unang R&D Dialogue na isinagawa noong 2019, kung saan naiprisinta ng OMSC ang kanilang proyektong organic seaweed fertilizer. Dito ay nagkainteres ang MOFC, at hanggang ngayon aniya ay patuloy ang ugnayan at pagtutulungan ng dalawang panig.
“Ito ang gusto nating mangyari, ang pakinabangan ng mga end-users ang bunga ng pananaliksik ng akademya, hindi iyong nasa dokumento lamang,” ani Coronacion. Kapwa aniya mahalaga ang research works ng sektor ng akademya, at ang aktuwal na pakinabangan ito ng mga adopters, upang makamit ang layuning kaunlaran.
Samantala, bagamat hangad ng DOST na marami ang makadalo sa naturang dayalogo, hindi ito posible dahil sa umiiral na pandemya at kailangang sundin ang health protocols ng pamahalaan.
“Sa tingin namin, ay hanggang 40 katao lamang ang maaring magsama-sama sa venue para mapairal pa rin ang physical distancing,” ani Coronacion. Magkagayunman, gagamitin aniya ng DOST ang teknolohiya ng komunikasyon at mag-aanyaya sila ng iba pang stakeholders na dumalo sa paraang “virtual”. “Pag-aaralan natin kung anong conferencing tool ang magagamit natin upang mas marami ang makadalo,” panukala ng direktor.
Sa usapin naman ng gastos ng mga research works ay tiniyak ni Coronacion na may sapat na pondo ang DOST at OMSC. Sakaling malaking halaga ang kakailanganin, maari aniyang humanap ng makakatulong o sponsor para sa alinmang research project.
Dagdag pa ni Coronacion, dapat bigyan ng sapat na atensyon ang Research and Development sa lalawigan, dahil batid ng DOST na sa pamamagitan ng R&D at kolaborasyon ng iba pang stakeholders, higit na mapapadali ang pag-angat ng ekonomiya, hindi lang ng probinsiya kundi ng buong bansa. (VND/PIA MIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments