LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 29 (PIA) --Umabot sa 1,632 na drayber ng Traditional at Modern Public Utility Jeepneys (PUJ) ang nakapagrehistro sa Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahapon, ika-28 ng Nobyembre 2020.
Ang General Registration at Orientation Activity para sa Service Contracting Program ay isinagawa sa Quezon City Memorial Circle Covered Court, mula 8:00AM hanggang 5:00PM. Ito ay nagsimula noong Miyerkules, Nobyembre 25, at magtatapos ngayong araw, Nobyembre 29.
Ang Service Contracting Program ay inilunsad ng pamahalaan sa bisa ng Bayanihan to Recover As One Act upang makapagbigay ng karagdagang kita para sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers, at upang maitaas ang kalidad ng serbisyo ng pampublikong transportasyon.
Bukod sa mga TPUJ, kabilang sa mga nag-register kahapon ay mga driver ng Modern PUJ. Sa tala ng ahensya, mga MPUJ drivers mula sa 10 ruta ang nakapagrehistro.
Ang mga kwalipikadong PUJ drivers na kasalukuyan nang bumibiyahe sa mga nabuksang ruta ay sumailalim sa orientation na isinagawa ng LTFRB at ng Systems Manager tungkol sa programa.
Ang orientation ay parte ng onboarding process ng programa na magbibigay-daan upang mas maintindihan ng mga drayber ang Service Contracting Program at ang mga salik nito.
Pagkatapos ng orientation, isinumite ng mga jeepney drivers ang kanilang Indemnity Forms at pumirma ng kontrata para sa Service Contracting Program.
Pinaaalalahanan naman ang mga drayber na nagpa-planong pumunta sa QC Circle mamaya na mahigpit na ipinatutupad ang NO FACE SHIELD, NO FACE MASK, NO ENTRY policy sa venue, gayundin ang physical distancing.
Pinaaalalahanan din ang mga tsuper na mag-pre-register gamit ang Google Form na maaaring makita gamit ang link na ito: https://ift.tt/3lUMdcP
Inaanyayahan ng LTFRB ang lahat na regular na bisitahin ang Official Facebook page nito sa @ltfrb.central.office para sa mga karagdagang impormasyon ukol sa Service Contracting Program. Maaari ring tumawag sa LTFRB 24/7 hotline 1342 para sa iba pang katanungan. (LTFRB/PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments