LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 14 (PIA) -- Upang kahit paano'y maibsan ang gutom ng mga kababayang sinalanta ng baha, agad na inorganisa ni Senator Grace Poe ang kanyang team na mamigay ng mainit na lugaw at mga bote ng tubig sa ilang mga barangay sa Marikina na nalubog dahil sa malakas na ulang dala ng bagyong Ulysses.
Ang mga volunteer ni Poe sa ilalim ng 'Panday Bayanihan' ay nagtungo sa Barangay Tumana at nag-organisa ng mga food station upang mamigay ng mainit na lugaw at bote ng tubig.
"Kahit sa maliit na paraan, makapagbibigay tayo ng pag-asa sa mga mamamayan. Bilang mga namumuno sa panahon ng krisis, responsibilidad nating magbigay ng karampatang ayuda sa taumbayang labis na apektado ng baha," ayon sa senador bilang bahagi ng kanyang panawagang tulong mula sa lahat ng bumubuo ng pamahalaan gayundin sa pribadong sektor.
Nakatakda ring magdala ang Panday Bayanihan ng mga relief pack at mainit na pagkain sa iba pang apektadong komunidad sa bansa sa mga darating na araw. Una nang nagbigay ng iba't ibang klaseng tulong ang nasabing organisasyon sa mga sektor na pinakalubhang bulnerable at nangangailangan.
"Bawat mangkok ng pagkain o anumang tulong na makararating sa mga apektadong pamilya ay hindi lamang makapagtatawid sa kanila kundi magbibigay rin ng pag-asa," ayon naman kay Chairperson at CEO ng Panday Bayanihan na si Brian Poe Llamanzares na nagpasalamat sa mga nagkaloob ng donasyon kabilang na ang Alonzo family ng Quezon City.
Kaugnay nito, binigyang diin din ni Poe ang importansya ng ibayong kahandaan ng pamahalaan sa harap ng mga bagyo at iba pang sakuna na bumabayo sa bansa taun-taon.
"Kailangan nating kumilos agad at mamuhunan para sa mga programang makakatulong sa atin sa pag-iwas sa mga sakuna at panganib na dulot ng mga kalamidad, gayundin sa pagharap natin sa mga pagbabagong dulot ng climate change," aniya.
Nauna nang naghain si Poe ng Senate Bill No. 124 o ang panukalang "Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act" na naglalayong bumuo ng disaster risk reduction department at maglaan ng hindi bababa sa tatlong porsiyento ng tinatayang kabuuang regular na kita ng gobyerno para sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments