CagVal naka-red alert status dahil sa ulan

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Nobyembre 10 (PIA) - - Nakataas na ang red alert status sa buong Lambak Cagayan dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng sunud-sunod at mabibigat na buhos ng ulan.

Sa kautusan ni Civil Defense Regional Director Harold Cabreros, chair ng Regional Disaster Risk Reuction and Management Council, lahat ng mga local na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno ay dapat maghanda sa anumang panganib na maaring idudulot ng matinding pag-ulan.

Ayon kay Cabreros 'saturated' na o malambot na ang mga lupa dahil sa magkakasunod na pag-ulan matapos ang magkakasunod na bagyo na dumaan sa bansa.

"Pinayuhan po natin ang mga kababayan natin lalo na ang mga nasa tabing ilog na obserbahan nilang maigi ang pagtaas ng ilog at inabisuhan na rin natin ang mga local DRRMO na ilikas na ang mga nasa flood prone area," pahayag ni Cabreros.

Kahapon ay nagpakawal naman ng tubig ang Magat Dam kaya't nagpa-abiso rin ang mga opisyal nito sa lahat ng mga nakatira malapit sa Ilog Cagayan na lumikas muna sa mas ligtas na lugar.

Gayonman, inihayag ni Cabreros na hindi lamang ang Magat Dam ang maaring magdudulot ng pagbaha sa mga nasa mababang lugar kundi ang mga tubig din na nagmumula sa mga tributaryo ng Cagayan River.

Dahil din sa mabigat na buhos ng ulan sa mga nagdaang araw, nagkaroon ng pagbaha at nalubog din ang ilang mga tulay sa iba't-ibang mga bayan sa rehiyon dos. Nagkaroon din ng pagguho ng lupa sa Nueva Vizcaya at Cagayan. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments