CAMANAVA, naghanda na sa inaasahang hagupit ni Bagyong Rolly

LUNGSOD CALOOCAN, Nov. 1 (PIA) -- Nagsagawa na ng kaukulang paghahanda ang mga Pamahalaan Lungsod ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela City), sa inaasahang hagupit ng bagyong Rolly sa Metro Manila.

Sa ulat ng Radyo Pilipinas 738 kHZ nitong Sabado, sa Caloocan, nakaantabay na ang Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at Caloocan Social Welfare and Development Department  upang tiyakin ang kaligtasan at pangangailangan ng mga residenteng maaapektuhan ng bagyo.

Sa Malabon naman, nakaantabay na rin ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office sa lahat ng galaw ng bagyo, at bukas ang lahat ng telepono nito para sa agarang aksyon. 

Naglabas na rin ang Navotas LGU ng emergency numbers na maaring gamitin ng mga residente kung mangangailangan ang mga ito ng tulong.

Sa Valenzuela City naman, pansamantalang ipinatigil na ang lahat ng mga construction activities sa lungsod bilang pag-iingat sa bagyo. Ipinababa na rin muna ang mga billboard tarpaulin.

Naka-preposition na rin ayon sa Valenzuela LGU ang mga relief goods at rescue equipment sa mga 3S centers nito.

Nakahanda na rin ang mga evacuation centers sa apat na lungsod kung sakaling kailanganing ilikas na ang mga tao dahil sa bagyo.

Kaugnay nito ay pinaalalahanan ang mga residente na maging alerto at maghanda para sa paparating na bagyong Rolly.

Hinimok din ang publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin ng pamahalaan hinggi sa evacuation para sa kaligtasan ng buhay. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments