'Cash for work' para sa mga sinalanta ng bagyong Ulysses sa Pasig, binuksan

LUNGSOD PASIG, Nob. 24 (PIA) -- Binuksan ngayong araw ang aplikasyon para sa “cash for work” o TUPAD ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig para sa mga residente nitong nakaranas ng hagupit ni Bagyong Ulysses.

Ayon sa Public Information Office (PIO), patuloy pa rin ang Cash for Work/TUPAD Program para sa mga Pasigueño na taga-Barangay Sta Rosa, Barangay Sumilang, Barangay Maybunga, at Barangay Bagong Ilog.

“Magpunta lamang sa mga nagsilbing evacuation centers noong Bagyong Ulysses, simula 9:00 a.m. hanggang 4:00p.m.,” ayon sa PIO.

Para sa mga taga-Barangay Sta Rosa, magsisilbing applying center ang kanilang Sta Rosa Multipurpose Covered Court.

Habang sa Sumilang Covered Court naman ang pagdarausan ng hiring process para sa mga taga-Barangay Sumilang.

Sa Maybunga Elementary School Annex naman ipoproseso ang TUPAD para sa mga taga-Barangay Maybunga.

Samantalang sa Barangay Bagong Ilog Covered Court gagawin ang aplayan ng mga taga-Barangay Bagong Ilog.

Paalala pa ng PIO, para makuha sa Cash for Work/TUPAD na may kontratang pang 10 araw, narito ang requirements:

- Isang miyembro (may edad 18-65) kada pamilya lamang ang pwedeng mag-apply. Kailangan din na validated ng PSWD na ang naga-apply ay kabilang sa masterlist ng mga naapektuhan ng Bagyong Ulysses.

- Kailangang sumailalim sa ECLIA Antibody Test ang buong pamilya ng naga-apply.

Manatiling nakatutok sa PIO para sa schedule ng Cash for Work/TUPAD Program para sa iba pang barangay na naapektuhan ng Bagyong Ulysses. (PIA NCR)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments