DAET, Camarines Norte, (PIA) – Nanawagan ang tatlong dating rebelde o Former Rebels (FRs) sa kanilang mga kapatid sa kabundukan na magbalik loob na sa pamahalaan at tanggapin ang mga tulong na inaalok sa kanila ng pamahalaan. Ito ang naging panawagan nila sa isinagawang inagurasyon ng Halfway House sa Labo, Camarines Norte kamakailan.
Ang mga dating rebelde na kasapi ng New People’s Army (NPA) na sina Ka Rigor, Ka Ding at Ka Mimoy ay tatlo lamang sa 16 na mga FRs na nasa poder na ngayon at tinutulungan ng pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Ang Halfway House ay pansamantalang tirahan ng mga FRs habang sila ay sumasailalim sa mga pagsasanay pangkabuhayan at binibigyan ng asistensiya ng pamahalaan hanggang sa tuluyan na silang makabalik sa normal na pamumuhay sa kanilang mga pamayanan.
Si Ka Rigor na nagsagawa ng mga operasyon sa bahagi ng Quezon ay namalagi sa kilusan ng apat na taon at nagdesisyon na bumaba sa kabundukan dahil hindi nakayanan ang paghihirap duon na halos wala ng makain at madalas tumatakbo habol ng mga sundalo.
“Nandito kami tinutulungan at binibigyan ng suporta ng pamahalan. Patunay kami na halos lahat sa Bicol na nagbalik-loob sa pamahalaan ay natulungan sa pamamagitan ng pabahay at pangkabuhayan sa ilalim ng E-CLIP,” dagdag pa nya.
Naging gawain naman ni Ka Ding ang “legal works” sa linya ng Communist Party of the Philippines (CPP) tulad ng pagbibigay ng edukasyon sa mga kasapi at kalihim ng Sangay ng Partido sa Lokalidad at iba pang mataas na katungkulan na sa kalaunan ay naging militar ng NPA na humahawak na rin ng baril o armas.
Si Ka Ding na taga Camarines Norte ay nakapasok sa kilusan taong 2016 at sumuko taong 2018 sa 9th Infantry Brigade.
“Nananawagan ako sa mga kapatid sa kabundukan, wag na natin itong daanin sa digmaan, binibigay na ng ating pamahalaan ang hiningi natin, bakit hindi pa kayo magsipagbalik loob sa pamahalaan?” pahayag ni Ka Ding.
"Narinig kong may programa ang gobyerno sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte na bukas sa katulad namin at handa kaming tulungan, subalit, gustuhin ko mang magbalik loob, tinakot kami at kami daw ay kakatayin kaya nagdalawang isip ako, pero dahil sa hirap at gutom na dinaranas namin sa kaya ako sumuko,” pahayag naman ni Ka Mimoy na umikot sa kilusan sa Ruta ng Ragay, Camarines Sur.
Si Ka Mimoy ay nanawagan rin sa mga dating kasamahang tulad nya ay mga biktima lamang na magbalik loob na sa pamahalaan. “Wala kayong mapapala sa inyong ipinaglalaban”, dagdag pa nya.
Sina Ka Rigor, Ka Ding at Ka Mimoy kasama ng iba pang FRs ay una ng nakatapos ng pagsasanay ng Carpentry National Certificate II (NCII), Tile Setting NC II, Mazonry NCII and Electrical Installation and Maintenance NCII noong Hunyo 26 mula Technical Skills Education Skills and Development Authority (TESDA).
Ang mga FRs ay muling magsasanay tungkol sa organic agriculture na ibibigay pa rin ng TESDA. Ang malawak na lupain na kalapit ng Halfway House ay maari nilang gamitin sa kanilang pagtatanim.
Naisagawa na rin ang “social preparation” at natukoy ang proyektong pagtatayo ng “poultry production site” na pinondohan ng P180,000 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Sustainable Development Program.
Nakahanda ring maglaan ng tulong ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), National Housing Authority (NHA), PhilHealth at iba pang sangay ng gobyerno.
Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Camarines Norte na nangasiwa sa Halfway House ay naglaan ng podong P761,000 sa taong ito at nagtala na rin ng kaukulang pondo para sa taong 2021.
Ang halfway house ay pinondohan ng P5 milyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na siyang nangunguna sa pagpapatupad ng programa.
Ayon kay DILG Provincial Director Ray Caceres, sa ilalim ng E-CLIP makatatanggap ng financial assistance ang FRs tulad ng P15,000 kaagad na asistensya, P50,000 pangkabuhayan at P10,000 mula sa LGU-Camarines Norte,
Sinabi ni Brig. General Rommel K. Tello, Commander ng 96th Infantry Battallion ng Philippine Army (PA) na ang naturang halfway house para sa mga FRs na itinayo sa Camarines Norte ay pangalawa sa Bikol kasunod ng nauna nang itinayo sa Masbate. “Napakaganda at 'the best' sa buong bansa, darating ang araw, alam kong magiging modelo ito,”dagdag pa niya.
Hinikayat rin ni Tello ang media na tumulong sa pagpapalaganap ng inpormasyon upang malaman ng mga rebelde sa kabundukan na handa ang pamahalaan na tanggapin at arugain sila.
Nagbigay rin ng suporta at pagpugay sa mga ahensiya at lokal na pamahalaan sina DILG Asst. Regional Director Atty. Arnulfo Escober Jr., USec. Reynaldo Mapagu, Chairperson ng National Task Force- End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at 9th ID Commanding Officer Gen Maj. Gen. Henry Robinson sa pamamagitan ng videoconference.
Samantala, ginawa naman ang pagbabas ni Archibishop Rev. Rex Alarcon at nakibahagi at nagbigay suporta din sa aktibidad sina Provincial Legal Officer/PIO Atty. Don Culvera bilang kinatawan ni Gov. Edgardo Tallado, Labo Administrative Officer Jojo Francisco, Acting Vice Gov. Concon Panotes at PCol. Marlon Tejada ng PNP- CNPPO.
Nakasama rin sa okasyon ang mga kinatawan ng TESDA, DSWD, DOLE, PhilHealth, PSWDO, PIA at mga media sa lalawigan. (RBManlangit-PIA5/Camarines Norte)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments