Mahigit P700,000 halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust sa Valenzuela

LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 4 (PIA) -- Umabot sa mahigit P700,000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga operatiba sa Valenzuela City kagabi.

Sa ulat ng Radyo Pilipinas 738 kHz, timbog sa ikinasang follow-up buy-bust operation ang isang tulak ng iligal na droga sa No. 967 E. De Castro Street, Barangay Malinta, kagabi.

Kinilala ang suspek na si Anthony Lloyd Molina, 28-taong gulang na residente ng nasabing lugar.

Nasabat mula sa suspek ang ginamit na buy-bust money, at 12 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 105 gramo at nagkakahalaga ng ₱714,000.

Ayon sa report ng  Northern Police District, nag-ugat ang buy-bust operation sa impormasyong nakuha nila mula sa nahuling number 1 Most Wanted drug personality sa CAMANAVA na si Richie Nevado. Lumalabas na kay Molina anya nagmumula ang shabu na ibinibenta ng suspek sa CAMANAVA kaya agad nagsagawa ang mga ito ng follow-up buy-bust operation.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments