Maynila, nagtala ng 94.8% COVID-19 recovery rate

LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 7 (PIA) -- Batay sa huling tala ng Manila Health Department (MHD), 20,009 na mga indibidwal o 94.8% ng kabuuang bilang ng mga kaso sa Maynila ang gumaling na sa sakit na COVID-19.

Ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, bunga ito ng patuloy na serbisyo ng mga medical frontliner sa lahat ng district hospitals ng siyudad at maagap na aksyon ng Pamahalaang Lungsod sa pagtukoy ng mga apektadong indibidwal.

“Sa awa po ng Diyos, patuloy pong nagbubunga ang walang patid na serbisyo ng ating mga medical at healthcare frontliners. Mula sa paglulunsad ng COVID-19 tests araw-araw at sa pangangalaga sa mga nag-positibong pasyente sa ating mga Quarantine Facilities,” pahayag ni Mayor Isko.

“Maraming salamat po sa Manila Health Department na pinangungunahan ni Dr. Arnold 'Poks' Pangan, sa ating mga Hospital Directors at sa kanilang mga masisipag na kawani! Thank you rin po sa lahat ng ating mga kasamahan sa Pamahalaang Lungsod at sa mga donors na nagmamalasakit sa atin,” dagdag ng alkalde.

Kinilala rin ni Domagoso ang kontribusyon ng bawat Manileño na sumusunod sa health protocols na ipinatutupad ng lungsod upang maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19.

“Hindi po natin makakamit ito kung wala ang kooperasyon ng bawat Manileño sa pagsunod sa health protocols na ating ipinatutupad habang sinisiguro ang kaligtasan ng lahat,” aniya.

Ipinaalala naman ni Mayor Isko sa publiko na patuloy na mag-ingat habang nananatili ang banta ng naturang sakit.

“Sa kabila nito, hindi pa rin po tayo dapat makampante. Mariin pa rin po nating ipinaalala ang pagsusuot ng face mask o face shield, paghuhugas ng kamay at pag-obserba sa social distancing lalo na’t may COVID-19 pa po sa loob at labas ng lungsod,” pahayag ni Mayor Isko.

Samantala, nagpapatuloy ang pagsasagawa ng libreng swab at serology testing sa Maynila habang wala ring tigil ang operasyon ng 14 na Quarantine Facilities nito.

Tuloy-tuloy din ang pag-suporta ng Pamahalaang Lungsod sa mga medical frontliners sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga healthcare facilities, pagbibigay ng mga gamot at paghahandog ng mga bagong kagamitan tulad ng High Flow Oxygen Systems at Powered Air-purifying Respirators. (MPIO/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments