LUNGSOD PASIG, Nob. 22 (PIA) – Inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod Pasig na prayoridad sa susunod na batch ng cash-for-work ay ang mga nasalanta nang nagdaang bagyong ‘Ulysses.’
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, 3,500 benepisyaryo ang kakailanganin upang tumulong sa pamahalaang lungsod sa cleanup at clearing activities.
“Prioridad po sa susunod nating batch ng CASH-FOR-WORK (3,500 beneficiaries) ang mga nasalanta ng #BagyongUlysses. Tutulong po sila sa cleanup/clearing natin. Pero bago matanggap sa cash-for-work, kailangan munang sumailalim sa Covid-19 testing (Kombinasyong ng ECLIA at PCR ang nasa protocol ng Health Department para rito),” ayon kay Mayor Sotto.
Idinagdag ni Sotto na kung sakaling mag positive sa PCR, maaaring ilipat sa kapamilya na nag negative sa test.
“Kung positive sa PCR, ay puwedeng ilipat sa kapamilya nilang nag-negative. Ang nag-positive naman ay ipapasok sa Centralized Quarantine Facility kung saan mababantayan at maaalagaan natin sila nang mabuti,” paliwanag ni Sotto.
Samantala, nanawagan din si Mayor Sotto na huwag matakot magpa-test.
“Wag po tayong matakot magpa-test! Mas nakakatakot yung wala tayong sintomas pero nakakahawa pala tayo ng iba at maaaring maging mas malala ang sintomas ng mahahawaan. Kung gusto nating malagpasan ang pandemya nang mas mabilis, magtulungan po tayo,” panawagan ni Mayor Vico sa mga taga lungsod. (Pasig City/PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments