Mga sirang modyul papalitan, ayon sa DepEd

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Nov. 23 (PIA) - - Siniguro ng Department of Education (DepEd) region 2 na mapapalitan ang mga nasirang mga modyul ng mga mag-aaral nitong nakaraang pagbaha.

Ayon kay Regional Director Benjamin Paragas agad kumilos ang mga school’s division para magsagawa ng imbentaryo kung ilan ang may mga nasirang modyul at agad din silang nag-imprenta para palitan ito.

Ang iba, aniya, ay humingi ng mga modyul mula sa buffer stocks ng ibang mga dibisyon na hindi masyadong apektado sa nakaraang kalamidad.

Ayon pa kay Paragas, bagamat may deklarasyon ng suspensiyon ng klase sa mga lugar na binaha, maari umanong ipagpatuloy ng mga estudyante ang pagsagot sa kanilang mga modyul kung maayos na ang kanilang mga tinatarahan.

“Synchornized naman ang ating mga aktibidad sa mga proklamasyon ng mga lokal na pamahalaan pero dahil distance learning naman ang ginagawa natin ngayon ay pwede lang nilang pag-aralan ang kanilang mga leksiyon sa kanilang mga modyul kung nasa maayos na ang kanilang sitwasyon,” pahayag ni Paragas.

Aniya umabot din sa P90 milyong piso ang inisyal na ulat sa mga nasira ng bagyong “Ulysses” at pagbaha sa rehiyon dos kabilang dito ang mga silid aralan, mga aklat, computer, Information Technology gadgets at iba pang mga pasilidad.

Sa datos ng DepEd region 2, umabot na sa 1, 635 na mga eskwelahan ang nasira at karamihan sa mga ito ay mula sa northern Isabela at Cagayan kabilang na ang Tuguegarao City. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments