TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Nobyembre 14 (PIA) - - -Patuloy ang isinasagawang rescue operation ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga nabahang lugar sa mga probinsiya ng Cagayan at Isabela.
Sa pinakahuling datos ng PCG sa report ni Secretary Harry Roque ngayong umaga sa Laging Handa, 15 indibidwal na ang na-rescue sa Modelro, Sitio Pantalan, at Pantabangan sa Tumauini, Isabela; 50 sa Barangay 12, Tuguegarao City; 47 sa Pengue Ruyu, Tuguegarao City; 13 sa Caritan Norte, Diversion Road at sa Anaffunan West, Tuguegarao City; at 70 sa Linao East, Tuguegarao City.
Sa oras na 3:30 ngayong umaga, nag-deploy na rin ang PCG National Headquarters ng first convoy ng augmentation na kinabibilangan ng 10 rescue personnel, isang multipurpose vehicle, isang truck, at apat na newly-procured rubber boats.
Ayon pa sa PCG, ang second convoy ay binubuo naman ng dalawang trucks, at bibiyahe na pagkatapos i-load ang 20 drums ng gasoline para sa dalawang Coast Guard airbus light twin engine helicopters na gagamitin sa aerial extraction.
Dalawang deployable response groups (DRGs) mula sa PCG Station sa Ilocos Norte na may dalang rubber boats ay bumiyahe na papauntang Tuguegarao City. (MDCT/PIA-2)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments