Rescue teams nagsagawa ng forced evacuation dahil sa pagbaha

Binisita ni Sanchez Mira Mayor Asela Sacramed ang mga evacuee sa kanilang bayan na mga apektado ng pagbaha. (Litrato ng Duras Sanchez Mira)

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Nobyembre 11 (PIA) - - Nagsagawa na ng "forced" evacuation ang mga rescue team sa mga lugar na lubhang binaha sa Lambak Cagayan.

Ayon kay Michael Conag, civil defense officer ng Office of the Civil Defense Region 2, umabot na sa 259 na pamilya na may 1,047 na katao ang lumikas na simula pa kahapon.

Aniya pinakamarami ang mula sa Cagayan na may 195 na pamilya, 47 sa Isabela, 11 na Nueva Vizcaya at anim sa Quirino.

"Sa kabuuang bilang na ito, 139 na pamilya ang nasa loob ng mga evacuation center samantalang 120 naman ang lumikas sa kanilang mga kamag-anak o kapitbahay na may mas ligtas na tahanan," ani Conag.

Sa ngayon patuloy pa aniya ang ginagawang paglilikas sa mga pamilya na nasa mga binabahang lugar sapagakat patuloy pa rin ang pag-apaw ng mga ilog sanhi na rin ng tuluy-tuloy na buhos ng ulan.

Sitwasyon sa Riverside sa Tuguegarao City, Cagayan. (Litrato ni Grace Carag)

Samantala, inihayag ni Marciano Dameg ng DSWD-2 na may mga food at non-food items na nagkakahalaga ng P19.9 milyon piso at may standby fund din na P2.3 million na handang gamitin kung kinakailangan para sa mga nasalanta ng kalamidad.

Sa DOH naman, naka-standby na ang mga medical team mula sa mga retained hospital at handa sa deployment sa mga lugar na apektado.

Ayon naman kay Governor Manuel Mamba may mga rescue equipment na sa mga lugar na apektado at kasukuyan na rin ang rescue at clearing operations.

Namahagi na rin ang pamahalaang panlalawigan ng 600 packs ng bigas at 15 karton ng mga delata sa mga apektado pamilya sa bayan ng Sanchez Mira at kasalukuyan narin ang relief operation sa iba't-ibang mga bayan sa lalawigan. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments