LUNGSOD NG CABANATUAN, Nobyembre 8 (PIA) -- May 700 benepisyaryo ng Risk Resiliency Program Climate Change Adaptation and Mitigation Disaster Risk Reduction o RRP-CCAM DRR sa lungsod ng Cabanatuan ang nakatanggap ng kompensasyong nagkakahalaga ng tig 3,000 piso kapalit ng sampung araw na pag-tratrabaho.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development o DSWD Regional Director Marites Maristela, layunin ng Cash-for-Work program na ito na maiangat ang kakayahan ng bawat indibidwal at himukin ang pamayanan na magkaisa upang epektibong malabanan ang Climate Change.
Isa sa mga proyekto ng RRP-CCAM DRR ay ang pag tatayo ng Community Garden na naglalayong mabawasan ang hunger incidence at masigurado na may pagkain sa hapag ang bawat pamilya sa pamayanan.
Sinabi ng Food and Agriculture Organization na ang pabago-bagong panahon ay maaring mag dulot ng direktang epekto sa apat na dimensyon ng food security: food availability, food accessibility, food utilization at food systems stability.
Ang pagkakaroon ng kakulangan sa isa sa mga dimensyong ito ay maaring makapagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga produkto sa merkado na maaring makaapekto sa kabuhayan at kakayahang makabili ng bawat pamilyang Pilipino.
Samantala, aktwal na binisita at nakapanayam ni DSWD Assistant Regional Director for Administration Maribel Blanco ang mga barangay leaders at mga taga pamahala ng Community Garden. (CLJD-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments