Tagalog News: Calaca cityhood, pasado sa Senate Committee on Local Government

LUNGSOD NG BATANGAS, Nob 3 (PIA) --Matagumpay ang isinagawang pagdalo ng pamahalaang bayan ng Calaca sa pangunguna ni Mayor Nas Ona sa virtual Senate Committee Hearing on Local Government para sa pagsusulong na maging ganap na lungsod ang bayan ng Calaca.
 
Ang virtual hearing na isinagawa noong Oktubre 26, 2020 ay siyang duminig at nag-apruba ng pagpapatibay para sa panukalang batas upang maging City of Calaca ang naturang bayan.
 
Sa Facebook page ng Calaca Municipal Information Office, positibo at naging maayos ang pagdinig sa committee level kaya’t inaasahan na maipapasa ito sa pinal na pagdinig sa pangkalahatan o en banc decision ng Senado sa lalong madaling panahon.
 
Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Ona kina Senator Francis Tolentino na siyang Chairman ng Committee on Local Government at nag-sponsor ng bill gayundin kay Senator Sherwin Gatchalian na siyang primary sponsor ng bill sa Senado.
 
Dagdag pa ni Ona,  malaki ang pasasalamat nila kay Batangas 1st District Rep Elenita Ermita-Buhain na siyang principal sponsor ng bill sa Kongreso, gayundin kina Senador Nancy Binay, Joel Villanueva, Imee Marcos at Ronald dela Rosa dahilan sa suporta at pag co-sponsor sa panukalang batas.
 
Nagpaabot din ito ng pasasalamat kay Batangas Governor Hermilando Mandanas na nagpahayag ng suporta para mabigyang katuparan ang pagiging lungsod ng bayan ng Calaca.
 
Ani Ona, marami mang pagsubok at mahabang daan ang tatahakin upang maabot ang hangarin nilang maisabatas ang pagiging lungsod ng Calaca ngunit dahil sa pagtutulungan at pagkakaisa ng mga Calaqueno, ito ay hindi malayong matupad.
 
Sa kasalukuyan, ang lalawigan ng Batangas ay may apat na lungsod kabilang ang Batangas City, Lipa City, Tanuan City at Sto Tomas na naging ganap na lungsod noong isang taon lamang. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS )



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments